Suspek sa Bulacan massacre, itinangging hinalay ang 2 biktima | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Suspek sa Bulacan massacre, itinangging hinalay ang 2 biktima

Suspek sa Bulacan massacre, itinangging hinalay ang 2 biktima

ABS-CBN News

 | 

Updated Jul 01, 2017 01:49 PM PHT

Clipboard

Opisyal nang gumawa ng confession o pag-amin sa krimen ang suspek sa Bulacan massacre sa harap ng kanyang pribadong abogado, mga pulis, at ilang kawani ng media sa San Jose Del Monte Bulacan-Philippine National Police.

Umamin pa rin ang suspek na si Carmelino Ibañez sa krimen ngunit itinanggi ang panghahalay sa mga biktima. Taliwas ito sa ilan niyang pahayag nitong Huwebes sa mga mediamen.

Sa unang interview ng ABS-CBN News sa suspek, idinetalye niya kung paano at bakit nila nagawa ang karumal-dumal na krimen sa San Jose del Monte, Bulacan.

Nang tanungin kung ginalaw o ginahasa niya ang mga biktima, sagot ni Ibañez, “opo, ‘yung dalawa po mag-ina… Ano lang po kami sa droga... hindi po namin alam na may bata doon. Sumurender naman po ako. Sana mapatawad po kami.”

ADVERTISEMENT

Ngunit sa extrajudicial confession ng suspek sa harap ng kanyang abogado, itinanggi na niya ang panghahalay sa mga biktima.

“Pumasok po kami sa loob ng bahay, dumaan kami sa likod ng bahay. Dahil po sa epekto ng droga, sa pakiramdam ko po may nasaksak ako, isa lang po. Sinaksak po namin. Opo sa loob ng bahay nakakuha ako ng kutsilyo nilapitan ko babae natutulog sa baba, pinagsasaksak ko. Wala po ako ni-rape,” ani Ibañez.

Pero inasahan na ng mga pulis na mag-iiba ng pahayag ang suspek.

Sa kabila ng pag-amin kahapon ni Ibañez sa media, naniniwala naman ang abogado niya na hindi nalabag ang karapatan ng kanyang kliyente.

Samantala, inilabas na ng PNP-SOCO ang resulta ng medico legal sa limang biktima.

"Hindi po tayo doctor pero sa nakita natin sa resulta wala nakitang ganoon na-rape… pero ipapasuri pa natin ‘yan,” ayon kay Supt. Fitz Macariola, chief of police ng San Jose del Monte Bulacan-PNP.

Isa sa mga itinurong kasama ni Ibañez, hawak na ng pulisya

Ibinalita rin ng San Jose del Monte Bulacan-PNP na hawak na rin nila si alyas ‘Tony’, isa sa mga itinuro ni Ibañez na kasama niyang nagdroga at pumasok sa bahay ng mga biktima. Kinukuhanan na nila ngayon ng pahayag si alyas ‘Tony’.

Hawak na rin ng mga pulis bilang ebidensya ang kuha ng CCTV ng isang convenience store malapit sa subdivision ng mga biktima nang gabing mangyari ang krimen.

Narekober din ng mga pulis ang isang kutsilyo at shorts na ginamit ni Ibañez ng gabing iyon.

Hinahanap naman ngayon ng mga pulis ang isa pang alyas ‘Inggo’ na suspek din sa krimen.

PAO, naghahanda na para sa isasampang kaso vs suspek

Bumisita rin sa pamilya Carlos nitong Biyernes ng umaga ang Public Attorneys Office (PAO) at Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

Limang abogado ang aasikaso sa pamilya Carlos at pinag-aaralan na rin nila ang mga kasong isasampa laban sa suspek.

“Hindi po magagawa ng isang tao na pumatay ng 1 year old at manaksak ng 45 beses kung di po 'yan bangag sa droga,” ani Atty. Persida Acosta.

Hustisya rin ang hiling ng padre de pamilya ng mga biktima na si Dexter Carlos.

“Hiling ko lang mabigyan ito ng tamang hustisya, dapat lahat maparusahan. Ang gusto ko nga kung maaprubahan ‘yang death penalty, ang gusto ko sila unang masampulan," ani Carlos.

Suporta at pakikiramay sa pamilya Carlos, bumuhos

Magkahalo ang dalamhati, galit at panghihina ng loob ni Carlos habang inaalayan ng panalangin ang lima sa kanyang mga mahal sa buhay. Sabay-sabay niyang pinaglalamayan ang asawa, biyenan at tatlong anak na pinatay kamakailan.

Para kay Carlos, ito na ang pinakamatindi niyang bangungot.

Hindi naman nag-iisa si Dexter sa pagsubok na ito dahil buhos ang suporta ng mga kaibigan, kamag-anak, at kahit di personal na kilala, lahat taimtim na nagdarasal na makamit ang hustisya.

Lumuwas pa sa Bulacan ang 82 kaanak ng pamilya mula Cagayan Valley para makiramay.

Ikinuwento pa ni Glory Dizon ang huling pag-uusap nila ng napatay na ina na si Auring.

“Nagbakasyon lang ‘yung mama ko dito e tapos nagtawanan kami. Sabi ng mama ko, hanapan mo na ako ng pera makauwi, sabi ko pa, "'Ma, marunong ka na magtagalog," kuwento ni Dizon.

Sinariwa rin ni Jennifer Dizon ang huling family outing niya kasama ang pamilya Carlos. Ayon sa kanya, hindi niya malilimutan ang malalambing niyang pamangkin.

“Sana mabigyan po ng tamang hustisya. Kung ano ginawa niya sa kanila, sana ganun din maranasan niya,” aniya.

-- Ulat nina Doland Castro at Kevin Manalo, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.