Mga babaeng bihag, ginagawang 'sex slaves' ng Maute: AFP | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mga babaeng bihag, ginagawang 'sex slaves' ng Maute: AFP

Mga babaeng bihag, ginagawang 'sex slaves' ng Maute: AFP

ABS-CBN News

 | 

Updated Jun 28, 2017 12:48 AM PHT

Clipboard

Alegasyong pinagbantaan ng militar na gagahasain ang ilang bakwit, inalmahan; gobyerno nanindigan: walang 'palit-ulo'

Nakakuha ng impormasyon ang militar na pinupuwersa ng mga terorista ang mga babae nilang bihag na maging asawa nila. Ayon kay Lt. Col. Joar Herrera, tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi, ikinuwento ng ilang nakatakas na hostage ng Maute ang kalunos-lunos na sinapit ng ibang babaeng bihag na ginawang ‘sex slaves’ ng mga terorista.

Umalma naman ang Palasyo sa alegasyong may mga babae umano sa Marawi na pinagbantaang gahasain ng ilang sundalo. Nauna nang humiling ng imbestigasyon tungkol dito ang grupong Gabriela. Pero ayon sa gobyerno, isa lang itong propaganda para makakuha ng simpatiya ang kaaway mula sa publiko.

Nanindigan naman ang Malacañang na hinding-hindi makikipagnegosasyon ang gobyerno sa mga terorista sa gitna ng umano’y hiling ng Maute na ‘palit-ulo’. Sinabi umano ni Abdullah Maute, isa sa mga namuno sa pagkubkob ng Marawi, na palalayain ang bihag na si Fr. Chito Suganob kapalit ng pagpapakawala sa mga magulang na sina Cayamora at Farhana na kapwa nasa kustodiya ng mga awtoridad.

Iginiit ng Palasyo na walang basbas ng gobyerno ang naging pag-uusap ng ilang religious leader sa Maute group sa kasagsagan ng walong oras na ‘humanitarian pause’ noong Linggo kung kailan hiniling umano ng Maute ang ‘palit-ulo’.

ADVERTISEMENT

Pera, alahas, at armas, nililimas sa mga inabandonang bahay at gusali

Ang iba namang hostage ng Maute, gaya ng unang napaulat, inuutusang magnakaw ng mga terorista. Pinupuwersa ang mga bihag na kumuha ng pera, alahas, at kung mayroon, pati baril na nakatago sa mga inabandonang bahay.

Ilang Maranao rin ang nagrereklamo sa matinding nakawan sa mga bahay na walang tao. Pinakita ni Mabrouk Hadji Jaber ang retrato ng bahay nilang nilooban. Dinistrongka ang vault nilang pamilya. Aniya, may lamang P5 milyon at ginto ang vault. Wala ring kawala ang isang opisina ng security agency. Nilimas din ang vault nitong may lamang pera, baril, at bala.

May isang bahay namang ikinadena pa matapos mainspeksiyon ng awtoridad at matiyak na walang nagtatagong rebelde roon. Pero nang balikan ng may-ari, nalimas na rin ang mga mahahalagang gamit sa loob.

Iginiit naman ng mga kinauukulan na hindi mga pulis at militar ang nagnanakaw sa mga bahay, kundi ang mga terorista.

Diskriminasyon at pagrekober sa mga nasawi, dagdag hamon sa mga taga-Marawi

Tila may diskriminasyon na din sa mga galing ng Marawi. Kuwento ni alyas ‘Aliyah’, hindi siya makakuha ng pansamantalang uupahan sa labas ng lungsod para sa kaniyang mga kaibigan at kaanak dahil ayaw daw tanggapin kapag galing sa Marawi.

Kuwento naman ng isang alyas ‘Jun’, nang minsang pumasok siya sa mall, kinalkal pa ng guwardiya ang dala niyang bag. Samantalang may nakasabay naman siyang pinabuksan lang ang bag at pinapasok na rin agad sa mall. Pakiwari tuloy ni ‘Jun’, hinusgahan agad siya dahil sa kaniyang hitsura at hindi inaahit na bigote.

Tingin nina ‘Aliyah’ at ‘Jun’, pinangingilagan sila dahil sa takot na konektado sila sa teroristang Maute.

Panawagan naman ng Provincial Crisis Management Committee, sana naman ay huwag nang maging biktima pa ng diskriminasyon ang mga Maranao na naging biktima na nga ng bakbakan.

Magiging problema rin ng mga taga-Marawi ang daan-daang bangkay na posibleng makuha pagkatapos ng sigalot. Inihahanda na ang sa sistemang papairalin sa pagkuha ng mga labi. Ayon sa Red Cross, maaaring naaagnas na ang ilang bangkay kaya lalong kailangang pag-ingatan ang pagrekober sa mga labi para na rin magkaroon ng pagkakataong matukoy pa rin ang kanilang pagkakakilanlan.

Bukas sa anumang alok na tulong ang mga taga-Marawi dahil malinaw sa kanila na hindi nila kakayaning bumangong mag-isa.

-- Ulat nina Ron Gagalac, Pia Gutierrez, at Ina Reformina, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.