Labi ng napaslang na mayor sa Bohol, di pa rin nahahanap | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Labi ng napaslang na mayor sa Bohol, di pa rin nahahanap

Labi ng napaslang na mayor sa Bohol, di pa rin nahahanap

ABS-CBN News

 | 

Updated Jun 13, 2017 01:06 AM PHT

Clipboard

Bigo pa ring mahanap ang mga labi ni Bien Unido Mayor Gisela Boniel na itinapon umano sa isang isla sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sinuyod ng puwersa ng Philippine Navy, coast guard, mga foreign at local divers ang dagat para hanapin ang mga labi ng napaslang na mayor.

Nabuhayan ng loob ang mga naghahanap nang dumating ang fish finder dahil kaya nitong mag-detect ng mga bagay kahit 2,000 talampakan pa ang lalim sa dagat.

Siyam na oras silang nagsalit-salitan sa paghahanap pero hindi pa rin nakita ang bangkay ng alkalde.

ADVERTISEMENT

Kinunan ng DNA sample ang isa sa mga anak nina mayor at asawang si Board Member Niño Ray Boniel na suspek sa pagpatay.

Nais nilang malaman kung tugma ang DNA sample na narekober mula sa bangka na ginamit umano para pagsakyan at maitapon ang mga labi ng biktima.

Inamin naman ng mga nahuling driver ng sasakyan at pinsan ni Board Member Boniel na binayaran umano sila ng opisyal ng P10,000 kapalit ng kanilang pananahimik.

Ibinalik umano ng pinsan ng board member sa pulis ang pera dahil hindi niya kayang magsinungaling.

Sabi ng pinsan ni Boniel, nakokonsensiya na rin siya.

Sa kabila ng nangyari umapela ang ina ng board member na huwag husgahan ang anak.

Aminado siyang may alitan ang mag-asawa, pero hindi siya naniniwalang kayang patayin ng anak si Mayor Gisela.

Nakakulong ngayon sa isang police station sa Cebu City si Boniel.

Nagsumite na ang kanilang kampo ng petition for privilege of writ of habeas corpus, para kuwestiyunin ang pagdakip sa kanya ng mga pulis sa Bohol. Wala umano itong basehan.

Naniniwala naman ang awtoridad na malakas ang kaso dahil sa mga hawak nilang testigo.

Isasampa na ang kasong parricide laban sa board member bukas.

Mayor sa bayan ng Batangas, patay din

Samantala, humihingi naman ng hustisya ang kaanak at taga-suporta ni Mayor Joven Hidalgo ng Balete, Batangas matapos barilin at mapatay noong Sabado.

Ayon sa maybahay ng napaslang na alkalde na si Marissa, batay sa usapan nila ng SOCO at mga doktor, lampasan sa baga at ulo ang dalawang tama ng alkalde.

Bukod sa pamilya, hindi rin makapaniwala ang ilang residente ng bayan ng Balete sa sinapit ng kanilang mayor.

"Ang masasabi ko lang sa gumawa nu'n, dapat hindi agad 'yun ang ginawa, kung may kasalanan si mayor dapat batas ang pinairal... Lahat ay magdadalamhati sa pagkawala ni mayor," ayon sa residenteng si Dexter Calingasan.

Nasa ikatlo at huling termino na sa panunungkulan si Hidalgo sa bayan ng Balete. Naupo siya bilang alkalde ng bayan noong 2010.

Bago maging alkalde, nagsilbi siya ng 25 taon bilang pulis bago nagretiro. Nanungkulan din siya bilang miyembro ng board of directors sa isang lokal na electric cooperative.

Nakatakda ang libing ni Hidalgo sa linggo ng umaga.

--Ulat nina Joworski Alipon at Paulo Ferrer, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.