Batas militar sa Mindanao: Ang mga dapat o hindi dapat gawin ng pulisya

Jeff Canoy, ABS-CBN News

Posted at May 26 2017 01:14 PM | Updated as of May 26 2017 04:21 PM

Hindi dapat mabahala ang mga taga-Mindanao sa deklarasyon ng martial law doon, giit ng Philippine National Police (PNP), na nagbaba na ng paunang guidelines o gabay sa kanilang hanay hinggil sa kanilang mga puwede at hindi puwedeng gawin sa ilalim ng batas militar.

Ayon sa mga pulis, wala naman umanong gaanong magbabago sa kanilang papel sa panahon ng martial law.

“Basically ganoon pa rin ang role ng PNP doon sa ordinary times, which is prior to declaration of martial law. Kung ano rights accorded to the citizens, basic constitutional rights enshrined in Constitution is basically operative pa rin,” ani Senior Inspector Jose Najera, legal officer ng PNP Legal Service.

Ang mga puwede at hindi puwedeng gawin ng pulis sa ilalim ng martial law ay ang mga sumusunod: 

1. Hindi basta-basta puwedeng magsagawa ng warrantless arrest ang militar at pulis. Ngunit ayon kay Najera, maaari pa rin itong gawin, basta’t umaayon sa laman ng Section 5 ng Rule 113 ng Rules of Criminal Procedure, kung saan nakasaad ang mga kondisyon na maaaring magbunsod ng warrantless arrest.

Ayon sa Rules of Criminal Procedure:

Sec. 5. Arrest without warrant; when lawful. – A peace officer or a private person may, without a warrant, arrest a person:

 (a) When, in his presence, the person to be arrested has committed, is actually committing, or is attempting to commit an offense;
 (b) When an offense has just been committed and he has probable cause to believe based on personal knowledge of facts or circumstances that the person to be arrested has committed it; and
 (c) When the person to be arrested is a prisoner who has escaped from a penal establishment or place where he is serving final judgment or is temporarily confined while his case is pending, or has escaped while being transferred from one confinement to another.

2. Hindi puwedeng maihabla ang sinumang naaresto o nadakip kapag lumagpas na ang tatlong araw. Kapag nag-lapse na ang tatlong araw nang walang kaso, kailangan na siyang palayain. 

3. Hindi maaaring litisin ang kaso ng mga sibilyan sa military tribunals.

4. Hindi puwedeng malabag ang constitutional rights ng isang tao.

5. Hindi maaaring malabag ang mga karapatang pantao.

6. Hindi puwedeng tanggalin ang karapatan ng bawat tao para mag-piyansa.

7. Hindi puwedeng palawigin ng higit 60 araw ang martial law kung hindi ito aprubado ng Kongreso.

Dahil sa mga gabay na ito, inatasan ng PNP ang mga pulis na irespeto ang mga karapatang pantao at dignidad ng bawat akusado.

Dapat din nila umanong sundin ang police operational procedure, at ang mga probisyon ng Republic Act 7438 na kailangang sundin nila ang karapatan ng bawat tao kapag siya’y naaresto, na-detain, o isinailalim sa custodial investigation.

Kailangan din nilang sundin ang Republic Act 9745, o ang Anti-Torture Act.

Giit ng PNP, walang dapat ikatakot ang publiko. 

“[There is] nothing to fear for the issuance of martial law in Mindanao. The objective and goal is for the benefit of people in Mindanao, particularly Marawi. Kaya mapansin niyo, mga guidelines to our forces is not to abuse the rights of citizenry. It is to protect them from the terror group,” sabi ni Chief Superintendent Dionardo Carlos, ang tagapagsalita ng PNP. 

Ayon sa Directorate for Operations, general rules pa lang ang mga ito, at pinagpupulungan pa nila ang mga detalye.

Isa ito umano sa mga pinag-usapan sa pulong ng mga police officials kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City.

Papasadahan pa raw ng mga abugado ang detalyadong guidelines, pero makakasiguro ang lahat na protektado ang karapatan ng mga sibilyan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.