Ulan nagpa-landslide sa Baguio, Negros Oriental

ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 05:14 PM

Nagdulot ng landslide sa Baguio at sa Valencia, Negros Oriental ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga nakalipas na araw. Binaha rin ang ilang bahagi ng Quezon City dahil sa buhos ng ulan noong Huwebes. 

1 patay, 2 sugatan sa pagguho ng pader sa Baguio

Retrato mula kay Justin Aguilar, ABS-CBN News

Isa ang patay at dalawa ang sugatan sa pagguho ng riprap o pader na gawa sa mga bato sa kalapit na construction site sa Baguio City noong Mayo 24, Miyerkoles ng hapon.

Nabaon ang bahay ng mga biktima na naging dahilan ng pagkamatay ni Gemma Mendoza. Siya ang huling nakita ng joint rescue team.

Idineklara si Mendoza na dead on arrival nang dalhin sa ospital.

Sugatan naman ang isang taong gulang na anak ni Mendoza na si Nathaniel de Jesus, at kanyang 11 taong gulang na pamangkin na si Lienary de Jesus.

Sinisisi naman ni Edwin de Jesus, partner ni Mendoza ang pag-collapse ng riprap sa hindi angkop na construction. 

'''Yung mga nagpagawa, hindi siguro inayos yung pagpapagawa ng riprap nila. Hiling po sana namin na tulungan kami kasi wala din po kami."

Tumanggi naman ang mga may-ari ng riprap na magbigay ng panayam.

Iniimbestigahan pa ng Baguio City Police Office kung may pagkukulang ba sa pagpaplano sa construction ng nag-collapse na riprap.

Landslide sa Valencia, Negros Oriental

Retrato mula kay Annie Fe Perez, ABS-CBN News

Gumuho rin ang lupa sa bahagi ng Barangay Pulangbato sa Valencia, Negros Oriental. 

Ayon sa mga residente, nakarinig sila ng malakas na dumadagundong na kalabog nang gumuho ang lupa.

Apat na araw nang umuulan sa Valencia kaya ito ang nakikita nilang dahilan sa paglambot ng lupa.

Wala namang naiulat na namatay o nasaktan sa nangyaring insidente.

Plano na ng lokal na gobyerno na magtayo ng riprap o retaining wall sa lugar para maiwasan na maulit ang insidente.

Flash floods sa Quezon City

Samantala, binaha naman ang ilang bahagi ng Quezon City matapos bumuhos ang ulan Huwebes ng umaga.

Ilan sa mga lugar na binaha ang Mother Ignacia Avenue sa gitna ng corner ng Timog Avenue at Scout Madriñan street.

Umabot hanggang ilalim ng tuhod ang baha.

-- Ulat nina Justin Aguilar, Annie Perez, at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.