Tripleng ligaya: Triplets, nagtapos sa Top 3

Danica Guieb, ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2017 08:53 AM

Photo courtesy of Mary Joy Pascua

NAGUILIAN, Isabela - Tripleng saya ngayon ang dulot ng 16-anyos na triplets sa Pascua family ng Naguilian, Isabela matapos na magtapos na kasama sa Top 3 ang magkakapatid sa junior high school.

Nagtapos bilang first honor si Ma. Dianah Therese, second honor si Ma. Dianah Florence at third honor naman si Ma. Dianah Joyce sa Naguilian National High School.

Ayon sa kanilang magulang na si Mary Joy Pascua, maraming bagay ang nagagawa nila ng sama-sama. Pero pagdating sa pag-aaral ay kaniya-kaniya na sila.

Mahigpit raw kasi ang kompetisyon nilang tatlo.

Simula kinder, ang triplets na ang naglalaban-laban sa top three.

“Para po sa amin, focus po muna sa sarili kapag nag-aaral. Kapag nahihirapan na po sa assignments, doon lang kami magtutulungan,” sabi ni Ma. Dianah Florence.

Sa Maynila na magtutuloy ng Senior High School ang tatlo sa susunod na pasukan. Pangarap ng tatlo na makapagtapos ng abogasya tulad ng kanilang ama na hukom.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.