Lolo, patay sa hit and run sa Las Pinas | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Lolo, patay sa hit and run sa Las Pinas

Lolo, patay sa hit and run sa Las Pinas

Jerome Lantin,

ABS-CBN News

Clipboard

MANILA – Patay ang isang 78-taong-gulang na lolo, matapos ma-hit and run sa Las Pinas noong Linggo ng umaga.

Ayon sa kanyang pamilya, magsisimba lang sana si Delfin Acaba noong Linggo nang masagasaan siya ng isang kotse sa Alabang-Zapote Rd., mag-aalas-6 ng umaga.

Pinilit pang buhayin sa ospital ang biktima, pero namatay din matapos magtamo ng matinding pinsala sa ulo, at bali sa kaliwang tuhod.

Isang netizen ang nag-post ng larawan ni Acaba sa social media matapos ang insidente, para matulungan ang pamilya niyang mahanap ang salarin.

ADVERTISEMENT

Kwento ng apo ng biktima na si Valerie Acaba, maalalahanin ang kanyang lolo, malakas ang katawan, at tanging gamot lang sa altapresyon ang iniinom na gamot.

Ayon kay Valerie, ayaw ni Acaba na magpa-alaga, dahil ayaw niyang mahirapan ang kanyang pamilya.

"Ayaw niya rin kasing magpahirap, magpaalaga…Kasi ako nagaasikaso ng gamot niya…Parang hanggang sa huling sandali ng lolo, kami pa rin iyong iniisip niya," aniya.

Ang anak naman ni Acaba na si Delia, hirap tanggapin ang nangyari sa kanyang ama.

Ulila na siya ngayon, dahil 6 na taon nang patay ang kanyang nanay, dulot ng sakit.

"Hindi po namin matanggap [ang kanyang pagkamatay]…Kasi, buti sana kung sa sakit…tapos ganun, tinakasan [siya ng nakasagasa sa kanya]…Buti sana kung dinala [siya] sa ospital," sabi ni Delia.

May mga sinusundan umanong hinala ang mga pulis, at nakatulong din sa kanilang imbestigasyon ang natanggal at naiwan na side mirror ng kotse.

Inaalam na rin nila ngayon kung ang isang humarurot na kotse na nakunan ng closed-circuit television (CCTV) system sa isang kalapit na subdibisyon, bandang 5:46 ng umaga, ay ang sasakyang nakabundol sa matanda.

Panawagan naman ng pamilya, kung sino man ang may impormasyon sa suspek, maaaring tumawag sa opisina ng Philippine National Police sa Las Pinas sa numerong (02) 856-31-32.

Sana rin daw ay makunsensya at sumuko na ang nakasagasang driver.

"Kung sino ka man na bumangga sa lolo ko, sana sumuko ka na...hindi mo alam kung gaano kalaki yung nawala sa amin," ani Valerie.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.