Pananakit ng 2 pulis-Davao sa mga menor de edad, huli sa CCTV

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 09:01 PM | Updated as of Jan 31 2018 09:15 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinaiimbestigahan ni Davao City Mayor Sarah Duterte ang insidente ng dalawang pulis na nambugbog sa mga menor de edad na nahuling lumabag sa curfew.

Ito ay matapos ireklamo ng mga magulang ng dalawa sa mga sinaktang menor de edad sina Police Officer 1 Jesrey Masinding at Police Officer 1 Giovanni Natividad. 

Nakuhanan ng CCTV ang pananakit ng mga pulis sa apat na nahuling menor de edad noong Enero 21 ng madaling araw sa barangay hall ng Barangay 19-B. 

"I have ordered Davao City Police Director Alexander Tagum to conduct an investigation on this allegation and mete out the appropriate sanction, if the policemen involved are found to have violated rules on apprehension," sabi ni Duterte sa isang pahayag.

"We are confident that Davao City policemen know by heart their obligation to uphold the rights of all people, especially those who have less in life and the most vulnerable," dagdag ng alkalde.

Noong una ay limang kabataan ang nahuli ng mga pulis pero pinauwi agad ang isang 18 anyos. 

Pinaiwan naman ang apat na menor de edad dahil sa paglabag sa curfew-on-minors ordinance ng lungsod.

Matapos ito ay pinaupo ni Masinding ang isa sa mga menor de edad sa kaniyang upuan bago niya ito pinalo sa talampakan, sinampal, at sinuntok sa tiyan.

Sunod namang pinagpapalo ng baton sa talampakan ang tatlo pang menor de edad.

Pinaluhod din sila at isa-isang pinagsusuntok sa tiyan ni Natividad.

Nagulat ang biktimang si alyas "Henry" sa naging asal ng pulis.

Inakala ni Henry na pauuwiin sila pero idineretso pa rin sila sa barangay at sinaktan.

Kuwento naman ni alyas "Joseph," pinaluhod sila sa upuan at pinahingi umano ng tawad sa retrato ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagsumbong ang dalawa sa mga biktima sa kanilang mga magulang na nagpasiyang panoorin ang CCTV video.

Humingi naman ng paumanhin ang Davao City police.

"I would like to assure you that I will not tolerate this," ani Senior Superintendent Alexander Tagum, direktor ng Davao police.

Kasong paglabag sa Anti-Torture at Child Abuse Act ang haharapin ng dalawang pulis.

-- Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.