Ano ang nilabag ng Rappler kaya ito ipinasasara?

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2018 10:14 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

May mahigit 2 linggo ang Rappler para i-apela sa korte ang desisyon ng Securities and Exchange Commission (SEC) na ipasara ang kumpanya dahil sa umano'y paglabag sa "foreign equity restriction" na nakasaad sa Saligang Batas.

Pero ano nga ba ang nilabag ng Rappler gayong sinasabi nilang sila ay 100% pagmamay-ari ng mga Pilipino?

Sa paliwanag ng SEC, pinuntirya nila ang Philippine Depository Receipt (PDR) na inisyu ng Rappler sa banyagang investor na Omidyar Network.

Ano ang PDR?

Ang PDR ay isang paraan para sa isang negosyante, banyaga man o Pinoy, na mamuhunan sa isang kumpanya kahit wala itong bahagi sa pagpapatakbo nito.

"If I'm an investor, I believe in the company, but I don't want to sit on the board or be a stockholder yet I can put in money, and issue PDR," paliwanag ng corporate lawyer na si Jan Adan ng Feria Tantoco Daos Law Offices.

Depende sa usapan, pero karaniwang dibidendo o parte ng kita ng kumpanya ang kapalit ng PDR.

Hindi na bago ang PDR at itinuturing itong lehitimong anyo ng investment na ginagamit ng malalaking kumpanya gaya ng PLDT, Globe, Ayala Corp., at maging ng ABS-CBN. 

Isang probisyon

Pero paliwanag ng SEC, wala namang isyu sa PDR, bagkus, ang isyu ay ang probisyon sa PDR ng Omidyar.

Ayon sa SEC, binigyan ng Rappler ang Omidyar ng boses sa mga desisyon na may kinalaman sa set-up ng kumpanya, maging mga meeting.

"Requiring PDR holders' consent to amendments of articles of incorporation . . . That's tantamount to ownership or control . . . Hindi ka nga stockholder, pero meron ka namang ganitong karapatan," giit ng tagapagsalita ng SEC na si Attorney Armand Pan.

Ipinaliwanag pa ni Solicitor General Jose Calida, na siya umanong nagpa-imbestiga sa Rappler, na hindi lang ownership ang isyu kung hindi maging ang kontrol.    

"[Constitution states that] 100% ownership and control. They forgot about the control. In their PDR, there was a clause there that [says] Rappler cannot do any amendment, cannot amend its bylaws or other corporate acts unless there is a [2/3] vote of the [Omidyar]. There must be no [foreign] control, not even 1%. It should be zero percent," ani Calida. 

Forgive and forget?

Para sa isang investment banker, puwede namang remedyohan ang nasabing PDR ng Rappler, imbes na ipasara pa ang kumpanya.

"It's really technicality. They can change the rules, refile the PDR, and they will be in compliance," ani Ed Francisco, dating co-chair ng Capital Markets Development Council.

Pero para sa SEC, hindi ganoon kasimple ang isyu na puwedeng "forgive and forget" na lang.

"Iyong what happened before, ibang usapan. Alangan namang gagawa ka ng kalokohan ngayon tapos patawad kaagad?" ayon kay Pan.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Panggigipit

Ayon naman kay Rappler CEO Maria Ressa, ikinagulat nila ang tila mabilis na paglabas ng desisyon ng SEC.

"What you can see is a concerted effort to not just attack the media but target specific media in particular. We were never given a chance [to explain]. The SEC decision came out without coming to us as the SEC has done in the past," ani Ressa.

Ayon naman sa UP professor na si Attorney Marichu Lambino, ang pagsulat pa lang ni Calida sa SEC ay senyales na ng panggigipit.

"As lawyers with careers, ang mga abogado po natin sa bureaucracy ay meron po silang mga pangarap na ma-appoint sa mas mataas na posisyon pagkatapos ng kanilang terms so hindi puwedeng gamiting argument na hindi appointee ni Duterte ang mga commissioners [na nagdesisyon kontra Rappler]," ani Lambino.

Bukod sa Rappler, malaki rin aniya ang implikasyon nito sa ibang media outfits.

"Pinapakita lang nito na hindi niya kayang tanggapin anumang pag-e-expose at pagpupuna at paglalahad ng balita na hindi maganda sa pamahalaan," ani Lambino.

"Kung kaya nilang gawin ito sa Rappler na isang established news organization, ABS-CBN...Mas madali itong gawin sa mga ordinaryong mamamayan na gumagamit ng social media."

Iginiit naman ng Palasyo na wala silang kinalaman sa desisyon ng SEC.

Sa kasalukuyan, tuloy ang operasyon ng Rappler dahil maaari pang kuwestiyunin ang nasabing desisyon.

--Ulat nina Michelle Ong at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.