Mary Jane Veloso, pamilya, nanawagan kay Duterte | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Mary Jane Veloso, pamilya, nanawagan kay Duterte

Mary Jane Veloso, pamilya, nanawagan kay Duterte

ABS-CBN News

 | 

Updated May 23, 2019 03:33 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nananawagan ang pamilya ni Mary Jane Veloso na tulungan sana silang makabisita sa overseas Filipino worker (OFW) na nasa death row sa Indonesia.

Muli rin nilang binuhay ang pakiusap sa gobyerno na tumulong para maalis na sa death row si Veloso.

Ngayong araw ang ika-33 kaarawan ni Veloso, pero di niya ito maipagdiwang kasama ang mga mahal sa buhay dahil hindi rin siya mabisita ng mga kaanak.

Ang bunsong anak na lang ni Veloso ang umihip sa kandila ng birthday cake ng ina rito sa Pilipinas.

ADVERTISEMENT

Isang taong gulang lang ang bata nang makulong ang ina noong 2010.

Makalipas ang walong taon, dalawang beses pa rin lang silang nagkitang mag-ina.

Tanging hiling ngayon ng bata, sana'y tuluyan nang makauwi sa Pilipinas ang kaniyang ina.

Naghihinanakit din ang mga magulang ni Veloso dahil dalawang taon na silang hindi makabisita sa anak.

Ayon kay Cesar Veloso, ama ng OFW, hindi umano sila pinapayagan ng gobyerno na makadalaw sa anak.

"Nalulungkot po ako na bakit gano'n ang gobyerno natin ayaw kami payagan na dalawin," anang ama ni Veloso.

"Parang totoo 'yong sinasabi nila, pagka mahirap ka, nakalaan ka sa bitay at kamatayan," ani Celia Veloso, ina ng OFW.

APELA NI VELOSO

Kuha kay Mary Jane Veloso habang nasa isang korte sa Central Java island, Marso 3, 2015. AFP

Taong 2010 nang mahuli si Veloso sa Yogyakarta airport sa Indonesia na may bitbit na droga sa kaniyang bagahe.

Nasentensiyahan siya ng kamatayan.

Pero noong 2015, nabigyan siya ng "reprieve" o pansamantalang ipinagpaliban ang pagbitay sa kaniya.

Ito'y para bigyang daan ang paggulong ng kasong inihain sa Pilipinas laban sa umano'y illegal recruiters na sina Christina Sergio at Julius Lacanilao para patunayan na biktima lang si Veloso ng human trafficking.

Pinayagan ng RTC Branch 88 sa Sto. Domingo, Nueva Ecija ang hiling ng kampo ni Veloso na kuhanin ang kaniyang testimonya kahit nakakulong sa Indonesia.

Pero nakakuha ng temporary restraining order mula sa Court of Appeals (CA) ang kampo ng mga akusado.

Nitong Disyembre, naglabas ng desisyon ang CA na pumipigil sa pagbibigay ni Veloso ng testimonya sa labas ng korte.

"As a lawyer, we feel disappointed and dismayed because of the inflexibility, and may we say regimented or rigid application of the letter of the law," ani Atty. Edre Olalia, kumakatawan kay Veloso at presidente ng National Union of People's Lawyers.

Iaapela ng mga kinatawan ni Veloso ang desisyon ng CA.

Isang voice message naman ang ipinaaabot ni Veloso kay Pangulong Rodrigo Duterte.

"Pangulong Duterte, buong puso po akong humihingi ng tulong sa inyo para payagan akong magtestigo sa kaso ni Christina Sergio diyan sa Pilipinas. Alam ko po na galit kayo sa droga," naiiyak na sabi ni Veloso.

"Kung hindi niyo po ako bibigyan ng pagkakataon na tumestigo,at maibunyag ang katotohanan sa kasong ito, Pa'no po ninyo malalaman na isa lang akong biktima?"

NO COMMENT ANG PALASYO

Tumanggi naman ang Malacañang na tumugon sa panawagan na hilingin sa Indonesian government ni Duterte ang clemency o maalis sa death row si Veloso.

Noong 2016, sinabi ni Duterte na makikiusap siya kay Indonesian President Joko Widodo para sa kaso ni Veloso.

"I may just have to ask Widodo in a most respectful and very, very courteous way. And if my pleading will fall on deaf ear, I am ready to accept it,'' sabi noon ni Duterte.

Pero matapos ang pagpupulong nila noon ni Widodo sa Indonesia, tumanggi si Duterte na magbigay pa ng detalye kung napag-usapan ang kaso ni Veloso.

"There are matters that I cannot tell you now, I'm sorry, I'm not at liberty but maybe, I can talk to the family first," ani Duterte noong 2016.

Dati nang sinabi ni Widodo na maaaring magkaroon ng clemency si Veloso pero nakadepende pa rin ito sa magiging hatol ng kanilang korte.

Nilinaw naman ng Department of Foreign Affairs na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para matulungan si Veloso.

Wala pa silang tugon ukol sa sinasabi ng pamilya Veloso na hindi sila tinutulungang mabisita ang OFW.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.