Rebyu: Respeto para sa 'Respeto' | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Rebyu: Respeto para sa 'Respeto'

Rebyu: Respeto para sa 'Respeto'

Patrick Quintos,

ABS-CBN News

 | 

Updated Aug 13, 2017 01:55 AM PHT

Clipboard

MAYNILA — Humihiwa sa diwa ang talim ng talinghagang alay ng pelikulang "Respeto," isa sa mga finalist ng Cinemalaya sa taong ito.

Sa poster at trailers, pumoposturang Pinoy hiphop culture na may haging ng "Grand Theft Auto" at "8-Mile" ang pelikula, na kinatatampukan ng rap stars na sina Abra at Loonie.

Pero mula sa simpleng "FlipTop"-an, umiigpaw ang "Respeto" papunta sa politikal sa pamamagitan ng paglusong sa bastusang realidad ng mga karakter.

Poster ng "Respeto." Larawan mula sa opisyal na Facebook Page ng pelikula

Pambungad sa pelikula ang istorya ni Hendrix (Abra), isang teenager sa kaiskuwateran sa Pandacan, na palamunín lang ng adik-tulak na boyfriend ng kanyang ate.

ADVERTISEMENT

Palamuníng nangangarap si Hendrix na maging hari sa lokal na underground rap battle scene, ang "Bersos," kung saan naghahari si Breezy G (Loonie).

Ito ang nakikitang daan ng teenager para makakuha ng respeto at makawala sa kaiskuwaterang nakatakda na ring i-demolish ng mga awtoridad.

Sa paghahanap ng mga kataga, makakasalamuha ni Hendrix si Doc (Dido Dela Paz), isang bugnuting matandang laging kinagagalitan ng anak na pulis.

Malalaman ni Hendrix na dating makata si Doc pero matagal nang tumigil sa pagsusulat dahil sa kanyang sinapit noong rehimeng Marcos.

Bata't punô pa ng pangarap, naisip ni Hendrix na pakinabangan ang mga patay nang talinghaga ng matanda, bagay na hindi naging madali.

"Uutuin mo pa ang madla, huwad kang makata," banat ni Doc kay Hendrix sa isang hindi inaasahang "rap battle" sa pelikula.

Samantala, habang itinataboy ni Doc ang mga multo ng Martial Law, inililibing ang dating diktador sa Libingan ng mga Bayani.

Habang nagagamit ni Hendrix ang pera sa pagtutulak ng boyfriend ng kanyang ate para sa pangarap, lumalala naman ang "tokhangan."

Berso-bersong pagtatagpuin ng "Respeto" ang nakaraan ni Doc at ang kasalukuyan ni Hendrix bilang pagpapatuloy ng isang siklo ng kabastusan, na sa nakababagabag na paraan ay sobrang pamilyar.

Sa pangkalahatan, maayos at malinaw ang pagkakasulat sa istorya ng "Respeto" at nailahad nito nang mahusay ang ilang patong ng reyalidad na nais nitong ipakita.

Magaling ding ginampanan nina Abra, Loonie, at Dela Paz ang kanilang mga karakter na lalong nagpaigting sa emosyon ng pelikula.

Higit sa lahat, musika sa tenga pakinggan ang napakagandang indayog ng wikang Filipino na lumutang sa pelikula, lalo't malaking bahagi ng mge eksena ay inilaan sa sayaw ng sukat at tugma.

Sa katunayan, bahagi rin ng nagtagpong "noon at ngayon" nina Doc at Hendrix ang pagtatagpo ng Balagtasan at rap sa pelikula.

Sa punông sinehan sa UP Town Center nitong Biyernes, palakpakan ang sumabay sa umaangat na credits ng pelikula.

At sa bulong-bulungan at maliliit na diskusyon ng mga lumalabas sa sinehan, alam mong may bahid ng katotohanan ang kuwento ng "Respeto."

Hindi ako magugulat kung tatanghalin itong Best Picture sa taong ito ng Cinemalaya, at kung parangalan ang ilan sa mga aktor nito.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.