Dating magbobote, umasenso sa negosyong resto | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Dating magbobote, umasenso sa negosyong resto

Dating magbobote, umasenso sa negosyong resto

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Mistulang gantimpala lang noon para sa batang Roy Villegas ang makakain ng masasarap na putahe, lalo at sa murang edad ay naranasan na niya ang hirap ng buhay nang maging isang palaboy na umaasa lang sa pamamasura para sa ikabubuhay.

Gaya halimbawa ng bulalo na ayon kay Villegas ay malapit sa kaniyang puso.

Natikman niya kasi ito bilang pabuya matapos manita ng mga kapwa batang nagtangkang magnakaw sa isang bilyaran.

"Talagang gutom na gutom ako. Pag alok na pag alok niya sa'kin, ayon kumain ko. Hindi ko makakalimutan 'yong bulalo," kuwento sa programang "My Puhunan" ni Villegas.

ADVERTISEMENT

Bulalo rin ang pangunahing bentahe sa restorang Bulalo Sa Banga sa Calamba, Laguna, isa sa dalawang restorang pag-aari ni Villegas.

Ang isa pang restorang matatagpuan din sa Calamba ay ang Uncle Roy's Bistro na sikat naman dahil sa ibinebenta nitong burger na makapal, siksik, at nag-uumapaw sa laman.

Pero bago makamit ni Villegas ang natatamasang ginhawa sa buhay, dumaan muna siya sa sari-saring pagsubok at pagbabanat ng buto.

Lumaki sa marangyang buhay si Villegas pero nang maghiwalay ang mga magulang, nagsimulang mabaligtad ang kaniyang kapalaran.

Dahil hindi maalagaan nang maayos ng ina, umalis ang anim na taong gulang na si Villegas sa poder ng nanay at namuhay sa lansangan.

"Di ko makalimutan 'yong gutom. 'Yong time ng kain, wala kang makain. Gusto mong uminom, wala kang mainom. Kailangan mong paghirapan lahat," ani Villegas.

Mapalad si Villegas at may mga taong nagsilbing mga pangalawang magulang niya at umalalay sa kaniya, gaya ng isang guro na nagpaaral sa kaniya.

"May umampon sa'kin diyan. Marami silang magulang, actually," aniya.

Dahil sa kabutihan ng mga tao na hindi niya kadugo, nakapag-aral at nakaranas muli ng pagmamahal si Villegas.

Nang tumungtong siya sa ikalimang baitang ng elementarya, natuklasan ang kaniyang kakayahan sa larong basketbol na naging daan naman para itawid niya ang pag-aaral sa Maynila hanggang sa makapagtapos.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naging manlalaro si Villegas ng University of the East (UE) Red Warriors sa University Athletic Association of the Philippines at Emilio Aguinaldo College Generals sa National Collegiate Athletic Association.

Nakasama pa niya sa UE noon ang ngayo'y tanyag na manlalarong si James Yap.

Kasabay ng pagiging varsity player at scholar, naging ugali rin ni Villegas ang pumasok sa sari-saring raket gaya ng paglilinis ng mga sapatos ng mga nakatatandang kasamahan sa basketball team at pagluluto ng pagkaing iniaalok niya sa mga tao sa paaralan.

Sinubukan din ni Villegas na pumasok sa professional league ng basketball nang magtapos siya noong 2011 subalit hindi aniya siya pinalad.

"Siguro kahit na sabihin mong hindi ka quitter, mayroon lang talagang bagay na hindi for you," aniya.

Nagtrabaho siya bilang basketball coach at habang ginagawa ito ay nakaisip siyang pasukin ang negosyong pagkain.

"After coaching, talagang subconsciously nasa puso ko ang mag-cater ng food," aniya.

Dahil wala gaanong kainan sa Calamba noong mga panahong iyon, doon naisip ni Villegas na itayo ang kauna-unahan niyang negosyong burger cart, na sinimulan sa puhunang P5,000.

Naging "big break" ni Villegas nang mapusuan aniya ng bandang Parokya ni Edgar ang kaniyang mga burger.

Nagtanghal kasi ang banda sa isang resort na malapit sa kaniyang puwesto.

Napaunlad ni Villegas ang negosyo mula sa karag-karag na burger cart hanggang sa makapagtayo ng dalawang restoran.

Ipinapayo ni Villegas sa mga nais pumasok sa negosyo na huwag pagdudahan ang mga ideya.

"Don't be hesitant, no doubt ka dapat sa lahat ng haharapin mo. Pag naisip mo, find a way kasi malay mo 'yong naisip mong idea na 'yon could make a difference," aniya.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.