Gaano katagal puwedeng magbabad sa sikat ng araw? | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Gaano katagal puwedeng magbabad sa sikat ng araw?

Gaano katagal puwedeng magbabad sa sikat ng araw?

ABS-CBN News

Clipboard

Ngayong tag-init, marami na naman ang umiiwas na mabilad sa sikat ng araw dahil sa pangambang mapaminsala ito sa balat o kalusugan.

Nilinaw naman ni Health Assistant Secretary Lyndon Lee Suy na kailangan pa ring maarawan ng mga tao para mapanatili ang malusog na pangangatawan at malabanan ang ibang mga sakit.

"Baka akala nila porke't summer ay iwasan na nila talaga 'yong maarawan o magkaroon ng direktang exposure sa sunlight," sabi ni Lee Suy sa panayam ng ABS-CBN News.

Pero dagdag ni Lee Suy, hindi dapat masobrahan sa exposure sa sikat ng araw.

ADVERTISEMENT

Nasa 30 minuto lang aniya ang dapat itagal ng isang taong nagbababad sa ilalim ng araw nang walang gamit na sunscreen o sunblock.

Huwag ding magbabad sa mga oras na mapaminsala ang init ng araw. Ayon kay Lee Suy, ito'y sa pagitan ng alas-10 ng umaga hanggang alas-tres o alas-kuwatro ng hapon.

Magandang source pa rin kasi o mapagkukuhanan ng Vitamin D ang sikat ng araw na, paliwanag ni Lee Suy, ay nakatutulong sa pagtibay at pagtatag ng mga buto sa katawan.

May mga sakit ding nalalabanan ang exposure sa sikat ng araw, gaya ng psoriasis.

Ang psoriasis ay ang mabilis na produksiyon ng skin cells na nagdudulot ng pamumula ng balat na may kasamang makapal at maputing kaliskis.

"With the exposure sa sunlight, 'yong nakukuha nilang Vitamin D, nakatutulong na maproteksiyonan sila laban sa sobrang production ng skin (cells)," ani Lee Suy.

Mainam din para sa mga sanggol, lalo iyong mga naninilaw ang hitsura kapag bagong panganak, na ma-expose sa sikat ng araw.

Ganito ang nakagawian ng inang si Dyna Azures, na pinaaarawan ang kaniyang anim na buwang anak tuwing alas-siyete ng umaga.

Payo umano ito sa kanila ng doktor mula nang ipanganak ang bata.

"Pati likod niya [pinapaarawan ko] para hindi sakitin," sabi ni Azures.

Sinasabayan naman ni Concepcion Gobres ng pagpapaaraw ang kaniyang pagwawalis tuwing umaga.

Maging siya'y naniniwalang may mabuting dulot ito sa kalusugan at nakagaganda ng pakiramdam.

"Kumbaga, kondisyon akong kumilos sa umaga," ani Gobres.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.