Binatilyong 'ipinaglihi' sa balut, nagba-bike ng 9 km pa-eskuwela araw-araw

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 09:07 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bilib ang marami sa determinasyon ng isang batang may congenital hand deformity sa barangay Lam-apos, Banga, South Cotabato, dahil sa kabila ng kapansanan, pursigido pa rin ito sa buhay.

Ang 15 anyos na si Ruel John Pungol o Jay-Jay, kaya pa ring magbisikleta ng siyam na kilometro araw-araw patungo sa Lamba National High School kung saan siya pumapasok bilang grade 9 student.

Kaliwang paa lang ang gamit niya sa pagpadyak habang ang kanan naman ay ginagamit niya para kontrolin ang bisikleta.

"Paupo-upo lang ako noon sa bike. Tapos nag-umpisa sa balance-balance hanggang sa makapag-pedal na ako," kuwento ni Pungol.

Mga paa rin ang nagsisilbing kamay ni Pungol. 

Panganay sa tatlong magkakapatid si Pungol at overseas Filipino worker ang kaniyang ina habang magsasaka naman ang ama. 

Kuwento ng ama, naging gano'n ang kalagayan ng anak dahil pinaglighi umano ito sa balut.
    
Ayon sa kaniyang guro, pambihira ang determinasyon ng bata na makapagtapos ng pag-aaral.

"Minsan nahuhuli siya sa mga gawain pero kahit papaano ginagawa naman niya ang makakaya niya para magampanan ang pag-aaral," ani Rey Parreño Sumagpao, guro ni Pungol. 
    
Pursigido si Pungol na maging mechanical engineer balang araw.
    
Nais din sana niyang magkaroon ng makina ang bisikleta para hindi na siya mapagod sa pagpadyak.

--Ulat ni Yen Mangompit, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.