Aiko Melendez, may bagong dini-date

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 12:20 PM

MANILA -- May bagong inspirasyon ang aktres na si Aiko Melendez halos isang taon matapos siyang makipaghiwalay sa kanyang dating boyfriend na isang Iranian.

Sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles, ang mga kaibigan ni Aiko na sina Ogie Diaz at Candy Pangilinan ang nagbuking sa muling pakikipag-date ng aktres.

"Ito si Aiko ang ugali nito, kapag sigurado na siya sa lalaki ipapakilala niya ng pormal sa mga kaibigan niya. So hindi pa sa amin ipinapakilala. So feeling ko eh feeling niya eh aagawin namin," biro ni Ogie bilang sagot kung in love ba ngayon ang aktres.

"Pero feeling ko wala pa siya doon, hindi pa umaabot doon. Kasi alam niya na kapag humarap sa amin ay para na siyang nasa Final 4, may pa lab test," dagdag ni Candy.

Nang matanong naman si Aiko kung kinikilig siya ngayon, isang simple pero makahulugang "Di ba nga?" ang sagot nito.

Sa huli, sinabi ni Aiko na ipapakilala na niya sa mga kaibigan kung sino ang kanyang bagong ka-date.

Matatandaang Nobyembre noong nakaraang taon nang aminin ni Aiko na naghiwalay na sila ng Iranian na si Shahin Alimirzapour.

Nito lamang Agosto, sa pagbisita rin niya sa "Magandang Buhay" ay sinabi pa ni Aiko na tapos na siya sa paghahanap ng pag-ibig at ibinubuhos na lamang ang sarili para sa kanyang dalawang anak.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.