James, inaalalayan si Nadine sa pagluluksa

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 12:47 AM

Larawan ng katatagan si Nadine Lustre, ilang linggo pagkatapos ng pagkamatay ng nakababata niyang kapatid.

"Nasa moving on, nasa healing stage pa, siyempre hindi naman po ganoon kadaling mag-move on," ani Nadine sa panayam ng ABS-CBN News.

Ibinahagi ni Nadine na mas natuto siyang maglaan ng oras para sa kaniyang pamilya.

"Mas nagkikita po kami ngayon, bonding, nagse-celebrate ng birthdays," ani Nadine.

Ayon naman si boyfriend niyang si James Reid, nauunawaan niya ang sitwasyon ni Nadine at patuloy niyang inaalalayan ang nobya sa pagluluksa.

"I guess it's really just being there to listen. What she's going through, really not easy. So this kind of thing really just takes time and patience," ani James.

Nagpaabot ng pasasalamat si Nadine kay James at sa fans na nagbuhos ng suporta.

"Salamat po sa lahat ng suporta niyo, na nakiramay kayo sa'kin... Sana maging happy pill pa rin nila (fans) kami kahit hindi nila kami madalas na nakikita [sa TV]," ani Nadine.

Ayon kay Nadine, hindi muna siya mapapanood sa noontime program na "It's Showtime."

"Very thankful po ako kasi pumayag naman ang [It's] 'Showtime'. In-expect nila na hindi na 'ko magpapa-'sikat' [segment], pero siyempre, sabi ko 'the show must go on'," ani Nadine.

Kasalukuyang nasa Japan si Nadine, kasama si James at ang kaniyang pamilya, para magpahinga at magbakasyon.

-- Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.