Isabel Granada isinugod sa ospital sa Qatar

Maxxy Santiago, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Oct 25 2017 07:59 AM | Updated as of Oct 25 2017 04:06 PM

DOHA (UPDATED) - Isinugod sa Hamad Hospital sa Doha, Qatar ang aktres na si Isabel Granada matapos siyang mag-collapse kahapon habang ginaganap ang isang fan meet and greet sa isang architecture and design office.

Base sa impormasyong nakalap ng ABS-CBN Middle East Bureau, mga bandang 2:30 Martes ng hapon sa Qatar o 7:30 p.m. Manila time nang mag-collapse si Isabel.

Agad siyang isinugod sa emergency department ng Hamad Hospital.
Nasa ospital din ngayon ang asawa ni Isabel at nakausap na niya ang doctor.

Sa ngayon, ayaw pang magbigay ng statement ang asawa ni Isabel hinggil sa tunay na kalagayan ng aktres.

Ang tanging hiling ngayon ng pamilya ng aktres ay ipagdasal ang kanyang mabilis na paggaling.

Ayon sa ina ni Isabel, nag-collapse ang kanyang anak dahil sa aneurysm. Nakatakda raw sumailalim ang aktres sa isang operasyon sa lalong madaling panahon.

Nasa Qatar si Isabel bilang isa sa mga panauhin sa Philippine Trade and Tourism Conference sa Qatar na ginanap noong Biyernes. – with report from Mario Dumaual, ABS-CBN News