Kampo ni Xander Ford, itinanggi ang pamimintas kay Kathryn Bernardo

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2017 03:31 PM | Updated as of Oct 15 2017 06:01 PM

Itinanggi ng kampo ni Xander Ford na may kinalaman ang internet sensation sa kumalat na recording ng pamimintas sa "La Luna Sangre" star na si Kathryn Bernardo.

 

Sa isang Facebook post, direktang sinabi ng Star Image Artist Management, na hindi si Xander o Marlou Arizala ang maririnig sa video clip na nagpahaging sa umano'y pagiging "sakang" ni Kathryn.

Saad pa ng pahayag, hindi pipintasan ni Xander ang aktres na kabilang sa kaniyang mga iniidolo sa showbiz.

Maaari rin daw may gumaya lang sa pananalita ni Xander at gustong siraan ang internet sensation.

Sana raw, tigilan na ang "black propaganda" kay Xander dahil nagsisikap siyang makatrabaho nang maayos ang lahat at kumita para sa kaniyang pamilya.

Kasunod naman nitong isyu, nag-post si Kathryn sa Instagram tungkol sa cyberbullying.

Saad ng post, masakit na tawagin sa kung ano-anong pangalan o pintas.

Pero hindi dapat maging biktima, sa halip ay dapat labanan ang cyberbullying.

Kilalang ambassadors sina Kathryn at katambal na si Daniel Padilla ng Cybersmile Foundation, isang international non-profit organization na naglalayong labanan ang cyberbullying at tumugon sa mga biktima nito.

Nauna na ring dinepensahan ng "KathNiel" ang kanilang "La Luna Sangre" co-star na si Angel Locsin nang ma-bash dahil sa kaniyang pagbabalik sa primetime serye.

Samantala, may bagong haircut din si Kathryn na spotted sa Instagram posts ng isang hairstylist.

Mukhang happy rin ang aktres sa kaniyang bagong shoulder-length hairstyle.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.