'It's very wrong': 'KathNiel', ipinagtanggol si Angel Locsin sa bashers

ABS-CBN News

Posted at Oct 10 2017 10:12 PM

Nais ng tamabalang Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na tuldukan ang isyung sapawan sa pagbabalik sa "La Luna Sangre" ng co-star na si Angel Locsin.

"Nagtatrabaho siya [Angel], ang dami niyang ginagawa yet pumayag siyang mag-taping, tapos ngayon bina-bash na lang. It's very wrong, very very wrong," ani Daniel.

Sa katunayan, utang na loob ang tinatanaw ng "KathNiel" kay Angel para sa muling pagtanggap niya ng papel sa kanilang teleserye.

"Simula pa lang noong show, pini-pitch pa lang and hindi pa nag-start mag-taping, andiyan na si ate Angel, andiyan na 'yong suporta niya," ani Kathryn.

Sa halip na kompetisyon, "teamwork" o pagtutulungan ang ipinagmamalaki nina Daniel at Kathryn.

Ito rin ang sinasabing dahilan sa tagumpay ng "La Luna Sangre."

"Personally with Ms. Angel, with Mr. Richard Gutierrez, okay 'yong relationship namin. Bakit kailangan nila gumawa ng issue para masira 'yon?" ani Kathryn.

Nanawagan din si Kathryn sa mga netizen na itigil na ang pamimintas kay Angel sa social media.

-- Ulat ni Marie Lozano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.