Luis Manzano, 'man of honor' ni Anne Curtis sa kasal

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2017 11:59 AM

MANILA -- Ibinahagi ni Luis Manzano ang kasiyahan para sa nalalapit na kasal ng kanyang malapit na kaibigan na si Anne Curtis.

Sa "Magandang Buhay" nitong Lunes, kinumpirma ni Luis ang pagiging parte niya sa entourage ng kasal ni Anne at fiancé nitong si Erwan Heussaff.

"Si Anne, nakaka-touch, kasi 'di ba ikakasal na nga siya. She sent me a letter saying na 'may promise tayo sa isa't isa and would you be my man of honor sa kasal?' So kasama ako sa entourage ng kasal niya. 'Yun ang promise namin sa isa't isa na kailangan part ako noon. At the same time kapag ikinasal na ako she will be my best woman," ani Luis.

Ayon kay Luis, matagal na ang pagkakaibigan nila ni Anne na nagsimula noong wala pa siya sa mundo ng showbiz.

"Siguro hindi pa ako artista, baka 18 pa lang ako nakilala ko na siya. Siya 'yung type ng best friend na hindi ko kailangang makita siya on a regular basis para ma-maintain 'yung friendship namin," ani Luis.

Nang matanong naman kung kailan siya ikakasal, sinabi ni Luis: "'Yung sa akin, sana soon."

Si Luis, na host ng bagong programa na "I Can See Your Voice," ay masaya sa kanyang relasyon sa aktres na si Jessy Mendiola.