Top 6 female dancers sa showbiz, pinangalanan ni 'Teacher Georcelle'

ABS-CBN News

Posted at Jul 25 2017 08:31 PM | Updated as of Jul 26 2017 01:30 AM

Pinangalanan ng veteran choreographer na si 'Teacher Georcelle' ang kanyang top six female dancers sa showbiz ngayon.

Dalawampu’t limang taon na sa showbiz si Georcelle Dapat-Sy na mas kilala bilang ‘Teacher Georcelle’ na mentor ng maraming bituin pagdating sa sayawan.

Kasabay ng paglunsad ng kanyang libro, tinukoy ng choreorapher ang pinakamagagaling na female dancers base sa kanyang standards. 

“Iba-iba sila ng atake. Sarah [Geronimo] and Maja [Salvador], when they dance wala pang aktingan o kantahan, ang gagaling… Maja may struggle kami no’n, dati one eight step ang tagal turuan, ngayon, iba,” ani Dapat-Sy.

Nag-viral kamakailan ang pagbagsak ni Geronimo sa kanyang song and dance number sa 'ASAP'. Para naman kay Dapat-Sy, bahagi ito ng pagiging magaling na dancer.

“Babagsak ng many times, bangon uli, parang buhay,” ani Dapat-Sy.

Kabilang din sa mga pinangalanan ni Dapat-Sy ang host-actress na sina KC Concepcion at Anne Curtis.

“Si KC Concepcion is an equipped dancer. Mayro’n siyang training, she is flexible. Anne Curtis is kikay, ‘yung interaction ng fashion and dance, that's her. Parang [si] Kylie Minogue,” paliwanag ni Dapat-Sy.

May special mention din si Nadine Lustre dahil sa nag-viral niyang dance video na inspired ni Dapat-Sy.

“Nadine Lustre [is] very fast when getting [the] choreography. In ‘White Shirt Love,’ she's willing to submit. The objective is to bring out the confidence, embrace their body, no matter how sexy or big you are,” ani Dapat-Sy.

Ikaanim naman sa listahan ng choreographer si Yassi Pressman na pinabilib din ang marami sa kanyang pagsayaw ng ‘Despacito’.

Ibinahagi din ni Dapat-Sy ang aral sa mahusay na pagsasayaw.

“You just don't give up,” payo ng betaranang choreographer. 

Pinapangarap naman ni Dapat-Sy na makapagpatayo ng ‘G Village’, isang dance academy kung saan tuturuan ng mga retiradong dancer ang mga batang talents.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.