Jolina Magdangal naaksidente sa QC

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2017 07:31 AM | Updated as of Jul 11 2017 12:25 AM

MANILA – Nagtamo ng bukol sa ulo ang aktres na si Jolina Magdangal matapos mabangga ng isang van ang sinasakyan niyang SUV sa East Avenue, Quezon City Lunes.

Ayon sa driver ni Magdangal na si Orly Sebolino, minamaneho niya ang Mitsubishi Montero lulan ang aktres, asawa nitong si Mark Escueta at 3-taong gulang nilang anak, ala-1 ng madaling-araw.

Palabas na aniya sila ng EDSA nang huminto sila sa stoplight sa tapat ng Philippine Heart Center at biglang salpukin ng puting Nissan Urvan.

Ayon sa sakay ng van na si Miriam Bondoc, papauwi na sila ng Makati nang napaidlip ang driver niyang si Peter Sevilla.

Sa tindi ng pagkakabangga, nawasak ang bumper at salamin sa likod ng SUV nina Magdangal. Nasira naman ang unahang bahagi ng van at natanggal pa ang windshield nito.

Nasugatan din ang van driver na si Sevilla matapos maipit. Ligtas naman ang 5 pasahero niya kabilang na ang isang sanggol.

Dinala naman sa St. Luke’s Medical Center si Magdangal kasama si Escueta. Nasa ligtas na kalagayan na sila.

-- May ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News