Saan nga ba nais magpakasal ni Luis Manzano?

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2018 11:09 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Muling uminit ang pangungulit kay Luis Manzano tungkol sa usapin kung kailan na nga ba magaganap ang kasalan sa pagitan nila ng girlfriend na si Jessy Mendiola.

Sagot ni Luis, relax lang at dadating din sa kasalan ang lahat.

"Hindi ko naman itinatago... soon 'yun naman talaga, 'yun ang goal naming lahat. Kumbaga sa biyahe, nasa itinerary 'yan," ani Luis.

Mukhang planado na rin ni Luis kung kailan ang tamang pagkakataon para mag-propose kay Jessy.

"Ako naman anytime okay ako.Sabi ko mas ginugusto ko sundan ang timeline niya," ani Luis.

"Secret na 'yun kung kailan mangyayari. Sabi ko nga sa kanya, mangyayari 'yun kapag naka-ano na ang guard mo. Siyempre tinatanong ng lahat, maraming nag-e-expect, so kung kailan mo least expected," dagdag ng host.

At kung venue ng kasalan ang itatanong, mukhang ready na rin si Luis at may mga listahan na ng lugar na kailangang bisitahin para makapagdesisyon kung saan magaganap ang seremonya.
 
"Destination wedding siguro. Iniisip namin kung saan pa may mga choices na kaming iniisip. Kailangan namin syempre pumunta kung saan man 'yon para ma-ocular, ika nga," ani Luis na iniisip na magpakasal abroad.
 
Kung magaganap na nga ang pagmamartsa ni Luis sa altar, wala na raw pinaka-excited sa lahat ng ito kung hindi sina Vilma Santos at Edu Manzano na mga magulang niya.
 
"Kung excited ako, mas excited siya (mommy). Sabi ko nga, sila ni daddy mas pinu-push 'yung apo eh. Sabi ko naman, in due time," ani Luis.

Ngayon, kayod muna si Luis at tutok sa kanyang career at regular na napapanood sa "I Can See Your Voice" sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.