P38/kilo na 'Bigas ng Masa,' nagsimula nang ibenta | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

Business

P38/kilo na 'Bigas ng Masa,' nagsimula nang ibenta

P38/kilo na 'Bigas ng Masa,' nagsimula nang ibenta

ABS-CBN News

 | 

Updated Sep 15, 2018 11:56 AM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sinimulan na ng Department of Agriculture (DA) ang pagbebenta ng mas murang bigas kumpara sa tinitinda sa merkado, bagay na ikinatuwa ng mga mamimili.

Nasa P38 kada kilo ang bentahan sa ahensiya, mas mababa ng ilang piso kumpara sa pinakamurang bigas na binebenta sa mga palengke. Para maiwasan ang hoarding, kalahating kaban lang ang pinakamaraming puwedeng mabili ng isang konsumer.

Magsisimula ang proyektong 'Bigas ng Masa' sa Metro Manila at unti-unting dadalhin sa mga probinsiya.

Pero nanawagan ang grupong Bantay Bigas sa DA na dalhin sa mga palengke ang murang bigas.

ADVERTISEMENT

Iginiit naman ni Agriculture Secretary Manny Piñol na sapat at walang problema ang supply ng bigas sa bansa.

Ang nagkakaproblema lang ay ang buffer stock ng National Food Authority (NFA).

Noong isang taon, naitala ang pinakamataas na produksiyon ng palay na pumalo sa 19.4 million metric tons.

Paliwanag ni Piñol, hindi kakulangan ng bigas ang ugat ng biglang pagtaas ng presyo nito sa merkado.

"The food supply chain, from the farm to the market, has always been controlled by traders and middlemen, kaya pagdating sa merkado, masyadong mataas na 'yung presyo," sinabi ni Piñol.

Kaya naman balak ng kalihim na gawing national advocacy na mismong mga magsasaka ang magproseso, maglapit, at magbenta ng kanilang sariling produkto sa mga mamimili.

Handa ang DA na magbigay ng loan sa mga magsasaka para maisakatuparan ito.

Dapat din umanong masilip at maimbestigahan ang alokasyon at distribusyon ng bigas ng NFA.

Ayon sa DA, nirekomenda na ng Bangko Sentral ng Pilipinas na i-audit ang NFA.

Pero paglilinaw nila, hindi ibig sabihin nito agad na may iregularidad na ginawa ang ahensiya.

May pahintulot na rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa DA na makipagpulong sa Papua New Guinea para sa posibilidad na makapagtanim din ng palay ang mga Pilipino doon.

Pero kahit hindi pa ito nangyayari, kumpiyansa ang DA na maabot nito ang target na maging rice sufficient ang bansa pagsapit ng taong 2020.

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.