Bigas na mas mura sa NFA rice, ibebenta sa 'Bigas ng Masa' project

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2018 10:22 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Makabibili na ang mga konsumer ng mas murang halaga ng bigas direkta mula sa mga magsasaka, ayon sa Department of Agriculture (DA). 

Inilunsad ng ahensiya ang proyektong 'Bigas ng Masa' para hindi umano madehado ang mga lokal na magsasaka sa pag-angkat ng National Food Authority (NFA) ng 250,000 metriko toneladang bigas.

 

 

Tutulungan ng DA ang mga farmer groups na makabenta ng bigas na mas mura at direkta na sa mga konsumer.

"Farmer to small-town trader, to big-town trader… hanggang umabot sa palengke, wholesaler, retailer, ganoon ang ikot n'on. Bawat baitang na yan, may tubo," ayon kay DA Secretary Manny Piñol.

Sa ngayon, nasa P40 hanggang P60 kada kilo ang bentahan ng bigas sa palengke.
    
Sa 'Bigas ng Masa,' mabibili ang bigas sa P38 kada kilo.

Inimbitahan na ng DA ang ilang miyembro ng farmers association para makapagbenta ng bigas.
    
Ang mga asosasyon na mismo ang nagpagiling at nag-repack ng mga bigas.

Dumating na rin sa DA mula sa probinsiya sa Central Luzon ang unang batch ng mga commercial rice.

May mga tig-10 kilong bag na mabibili sa P380 at tig-25 kilo na bag na mabibili sa P950.

Para hindi naman maabuso ng mga balak negosyohin ang mga bigas, 25 kilo ng bigas lang ang pinakamarami na puwedeng bilhin.

Sa Miyerkoles uumpisahan sa DA ang proyekto. Sa susunod na linggo naman bubuksan ang proyekto sa Bureau of Plant Industry sa Maynila, kung saan makakabili ang mga konsumer ng mas murang bigas tuwing Biyernes.

Gusto rin umanong patunayan ng ahensiya na sapat ang supply ng bigas sa bansa.
    
Sa tala ng DA, tumaas ng 1.7 million metric tons ang produksiyon ng bigas noong 2017.

Mas mataas din ang target na produksiyon ngayong first quarter ng taon, kumpara noong 2017.

Pero depensa ng NFA, hindi sila binebentahan ng bigas ng mga lokal na mga magsasaka kaya kailangan mag-angkat.
    
Iimbestigahan naman ng House committee on agriculture ang isyu ng kakulangan ng suplay ng NFA rice sa susunod na linggo.

--Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.