Mga rider umalma sa dagdag na komisyong kaltas ng Grab | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

News

Mga rider umalma sa dagdag na komisyong kaltas ng Grab

Mga rider umalma sa dagdag na komisyong kaltas ng Grab

ABS-CBN News

 | 

Updated Nov 18, 2022 08:44 AM PHT

Clipboard

iWantTFC

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

Watch more on iWantTFC.com. Watch hundreds of Pinoy shows, movies, live sports and news.

MAYNILA – Nananawagan ang isang grupo ng mga Grab drivers sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na i-regulate o bantayan ang komisyong ipinapataw ng mga transport network companies sa kanilang mga biyahe.

Sa isang panayam sa TeleRadyo, ikinuwento ni Laban TNVS National President Jun de Leon na balak umano ng Grab na magtaas ng kinakaltas nilang komisyon sa mga rider simula Disyembre 1.

Mula sa 20 porsiyento, aakyat na sa 21 porsiyento ang komisyon na kukunin mula sa mga rider na nasa Member Tier. Ang mga Silver Tier na rider naman ay sisingilin ng 20.5 percent na komisyon mula sa 19 percent.

Aakyat naman sa 19 mula 17 percent ang komisyong kinakaltas mula sa mga Gold Tier na rider, at sa 17 mula 14 percent naman para sa mga Platinum Tier na partner driver.

ADVERTISEMENT

“Ngayong panahon na ito, hindi po dapat ito mangyari dahil patuloy po yung pagtaas ng gasolina. At may balita nga po, tataas pa rin ang gasolina sa susunod na linggo,” ani de Leon.

“Kaya sana, ang hinihiling po natin sa Grab noon eh ibaba ang komisyon nila para makatulong kahit papaano, dagdag sa kita ng mga drivers na nagpapagod sa kalsada araw-araw,” dagdag pa niya.

Aminado si De Leon na unti-unti nang bumabalik ang sigla ng mga ride-sharing app ngayong unti-unti nang nawawala ang mga paghihigpit na ipinatupad noong kasagsagan ng pandemya.

Pero aniya, kaakibat naman nito ang muling pagsikip ng daloy nga trapiko sa mga lungsod.

“Alanganin pa rin na dumami. Gusto nga natin marami tayong maihatid pero dahil sa traffic, doon din, nababawasan din, nadadagdagan yung oras natin sa pagbiyahe. Kaya yung pagkuha ulit ng ibang pasahero eh natatagalan tayo.”

Ani De Leon, nakipag-usap na sila kay LTFRB Executive Director Atty. Robert Peig tungkol sa hiling nilang pigilan ang pagtaas ng komisyon ng Grab.

“Pero kasi ang alam natin, ang LTFRB po ay ang fare, ang mga pamasahe ang nire-regulate nila. Pero sa tingin ko, kailangan din pong pakialaman nila at mag-intervene sila dito sa nangyayari dahil talo po ang mga driver dito sa mga ginagawa ng mga transport network company,” sabi niya.

“Bigyan ko po kayo ng sample. Kunyari nag-book po kayo sa halagang P1,000 sa isang biyahe. Okay. So P1,000, dati, ang komisyon ng Grab dito eh P140. Pero pagdating ng December 1, at inimplement na yung 17 percent, P30 po ang mawawala sa ating mga drivers. So imbis na pangdagdag nila panggasolina yung P30, eh kukunin pa ng komisyon,” aniya.

“Kaya ang kahilingan natin dito, eh hindi basta-basta talaga dapat nakakapagtaas ng mga commissions ang mga transport network company."

"Hindi ko lang iisahin ang Grab. Lahat po ng mga transport network company sana. So sana pakialaman po ng gobyerno ito. At yung LTFRB, tingnan nila na kung pwedeng i-regulate din ang mga commission ng mga transport network company para naman [sa] proteksyon ng mga drivers,” paliwanag niya.

Sa isang pahayag, sinabi ng Grab na ilang buwan silang nagsagawa ng konsultasyon sa kanilang mga rider-partner bago nila inanunsiyo ang mga bagong kaltas sa komisyon.

"Over several months, Grab has engaged its partners to co-develop the commission scheme, and it was only announced to the driver community upon reaching a full consensus from its driver community leaders, and after multiple rounds of consultations and forums."

Dagdag pa ni Grab Philippines Head of Mobility EJ Dela Vega, lahat ng kanilang mga kinakaltas sa komisyon ay bumabalik din sa mga drayber.

"Actually halos lahat po ito nire-reinvest lang rin po namin ‘no. Ito po ang napupunta sa mga incentives po nila, at pinakaimportante po siguro ‘no, pampagana rin namin para sa mga riders nila."

Watch more News on iWantTFC

"Pinakakikita po ang driver pag marami ang sumasakay ang pasahero, at mula po ng simula ng taon, doble po ang ininvest ni Grab, tulad po ng pagbukas ng ekonomiya, doble po ang ininvest po namin para bumalik rin po ang mga pasahero," aniya.

"Babalik po rin yon sa mga driver po namin dahil po, eto pong commission, yan po ang ginagamit namin na pamparami po ng rides dito po kami nagpapapromo, dito rin po sa mga incentives nila napupunta, so hindi po totoo na sa Grab po ito mapupunta."

"Nire-reinvest po namin itong lahat para sa kanila, sa mga benepisyo po tulad ng insurance, ng healthcare," paliwanag.

Ayon sa Grab, malugod na tinanggap ng mga rider ang bagong commission scheme.

"This commission scheme...has been well received by Grab partners as it introduces new mechanisms that allow partners who drive the most on the platform to further maximize their earning potential. One of the mechanisms include a new fare rebate program, enabling drivers who are more frequently on the road, to receive larger cash payouts," anila.

Una nang nabanggit ni De Leon sa TeleRadyo na hindi lahat ng mga rider ay nakausap ng Grab.

"Alam niyo, pag nagkokonsultasyon ang Grab, ang pinapatawag lang nila yung mga leaders na alaga nila. So siyempre walang gagawin kundi um-Oo lang sa kanila. "

"Dapat meron ding, balansehin din dapat nila... Sana kung may konsultasyon, dapat lahat ng mga drivers eh pakinggan."

--TeleRadyo, 17 Nobyembre 2022

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.