Advocacy group suportado hiling na P3 fare hike sa jeep
ABS-CBN News
Posted at Oct 13 2021 02:56 PM
MAYNILA - Sang-ayon ang advocacy group na National Center for Commuter Safety and Protection (NCCSP) sa hirit ng mga jeepney driver at operator na P3 dagdag sa singil ng pamasahe.
Ayon kay Elvira Medina, chairperson ng NCCSP, hindi umano sila tutol sa hiling na itaas ang pamasahe sa jeep at sinabing napapanahon na ito lalo’t hirap na rin ang mga driver, karamihan sa kanila ay nauwi sa pamamalimos sa mga kalsada.
“Kami po ay sasang-ayon. We will manifest a no opposition to the petition,” sabi niya.
Sa panayam sa TeleRadyo Miyerkoles ng umaga, sinabi ni Medina na dapat na ikonsidera ng pamahalaan ang sitwasyon ng mga driver at operator ng jeep sa gitna ng patuloy na oil price hike, limitadong bilang ng mga pasahero at limitado ring bilang ng biyahe.
“Pagbigyan na po natin sila,” sabi niya.
Nauna nang binanggit ni Transport chief Arthur Tugade na tutol siya sa fare hike dahil marami aniya ang maaapektuhan nito. Sa halip, mas nais niya ang humanap ng ibang paraan para matulungan ang mga jeepney driver at operator.
“Kung hahanap tayo ng ibang paraan kelan pa? Kailangang kumain ng ating jeepney driver ngayong araw na ito. Kailangang kumain ang pamilya niya ngayong araw na ito. Kailangang sumakay ng jeep ang mga pasahero, commuters sa araw na ito, saka pa tayo mag-iisip kung anong gagawin? Dapat noon inisip na nlla,” sabi ni Medina.
Payo niya kay Tugade na “sumakay ng jeep” para malaman ang hirap na dinadanas ng mga driver.
“Wala po akong hawak na transport group, wala po ako sa negosyo ng transportasyon pero kailangan magkaroon din tayo ng compassion para sa ating mga kasamahan sa jeep,” sabi niya.
- TeleRadyo 13 Oktubre 2021
National Center for Commuter Safety and Protection, Elvira Medina, dagda pasahe, transportation, commuters, TeleRadyo