PatrolPH

Sirang refrigerator ginawang bangka sa gitna ng baha sa QC

Karen De Guzman, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2023 07:57 AM

Watch more on iWantTFC

Nalubog sa baha ang ilang lugar sa Metro Manila dulot ng malakas na pag-ulan nitong Martes ng gabi. 

Nagmistulang swimming pool ang bahagi ng Araneta Avenue corner E. Rodriguez sa Quezon City dahil sa apat na talampakang baha. 

Sumakay sa isang sirang refrigerator na ginawang bangka ang ilang komyuter upang makatawid sa matinding baha sa Quezon City. Karen de Guzman, ABS-CBN News
Sumakay sa isang sirang refrigerator na ginawang bangka ang ilang komyuter upang makatawid sa matinding baha sa Quezon City. Karen de Guzman, ABS-CBN News

Napilitang sumakay sa mga sirang refrigerator ang ilang residente para makauwi sa kani-kanilang bahay. 

“Dumidiskarte po kami ngayon. Nag-aangkas po kami ng isang tao para makauwi na sila. Sinisingil ko po sa kanila P30 lang po para makaraos din po,” ayon sa kabataan na si Adrian Laguitan. 

Ang ilan naman ay piniling hintayin na humupa ang baha bago tumawid sa kanilang mga tirahan. 

“Minsan umaabot ng 3 hours to 4 hours, depende po kung tuloy-tuloy ang ulan. Syempre mahirap po samin na nagtatrabaho. Dahil din po sa basura kaya nagkaganun samin, bumabaha,” daing ng residente na si Michael Dela Cruz. 

Nahirapan namang makalabas ang ilang pamilyang nakatira sa ilalim ng Dario Bridge sa Muñoz, Quezon City dahil sa biglang pagtaas ng tubig sa sapa. 

“Ngayon lang po talaga. Ngayon lang po nangyari ‘yung ganyan na umabot na po hanggang dun sa kabila,” ani Yolanda, residente ng lugar. 

Umabot naman ng hanggang tatlong talampakang baha ang ilang daan papuntang EDSA Balintawak habang isang talampakang ang baha sa Commonwealth Pearl Drive ayon sa MMDA. 

Tumirik naman ang ilang sasakyan at motorsiklo sa España M. Dela Fuente sa Maynila makaraang suungin ng mga motorista ang lagpas dalawang talampakang baha. 

“Meron pong tumirik, tinulak ng taumbayan dito. Pinalilihis po namin sa pwedeng daanan po. Pinapayuhan namin na huwag munang bumiyahe,” ayon sa traffic enforcer na si Danilo Pabellosa. 

Base sa ulat ng PAGASA, inaasahan na magpapatuloy ang pag-ulan ngayong Miyerkules ng umaga. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.