PatrolPH

OFW sa Dubai hindi pinauwi ng amo kahit tapos na ang kontrata

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2021 11:58 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Humingi ng tulong sa gobyerno ang isang Filipino domestic worker sa Dubai na makauwi na sa Pilipinas.

Ayon kay Angel Calayag, hindi siya pinapauwi ng kaniyang amo kahit tapos na ang kaniyang kontrata noong Marso.

"Sabi nila, hindi nila sinusunod 'yung March. Sinusunod po nila 'yung visa, Aug. 3. Tapos na rin po 'yung visa ko," aniya sa panayam sa Teleradyo Biyernes.

"Tapos andami nga pong dahilan kesyo sa ticket mahal, wala daw biyahe. Ayun nga po madami pong dahilan," aniya.

Umabot na ng 2 taon at 6 na buwan na nagtatrabaho sa Dubai si Calayag.

Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration administrator Hans Leo Cacdac, nakikipag-ugnayan na ang isang welfare officer kay Calayag. 

Isasama rin si Calayag sa susunod na repatriation flight para sa mga nagtatrabaho sa UAE kahit paso na ang visa nito.

"Okay pa tayo sa ngayon [dahil nasa grace period pa] at isasaayos ang iyong pagpapauwi sa lalong madaling panahon," ani Cacdac.

Kuwento ni Calayag, ito ang unang beses na nakipagsapalaran siya sa ibang bansa.

"'Yan ang ipapayo ko sa kaniya, make sure dumaan ka sa lehitimong recruitment agency. Kung hindi mo nakikita ang POEA (Philippine Overseas Employment Administration) at OWWA sa proseso ng pagpapaalis mo sa susunod, huwag kang umalis ng bansa," ani Cacdac.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.