PatrolPH

Labi ng napatay na Ateneo security guard ibinurol sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2022 06:53 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Martes nang iburol sa St. Ignatius Funeral Homes ang labi ng napaslang na Ateneo de Manila University security guard na si Jeneven Bandiala.

Tuloy-tuloy ang pagdating ng mga kaanak, katrabaho at kaibigan ni Bandiala para magpaabot ng kanilang pakikiramay. Mabait, masipag at mapagmahal – ganyan inilarawan ng mga kaanak ang yumaong sekyu.

Ayon kay Cristina Mascardo, asawa ni Bandiala at isa ring security guard, plano nilang iuwi ang kaniyang labi sa bayan Lopez Jaena, Misamis Occidental lalo na't matagal na nilang nais makauwi roon.

Tiniyak naman ng Megaforce Security Services Corp. na sasagutin nila ang lahat ng gastusin sa burol at transportasyon ng mga labi.

Ayon kay Wilfredo Molles, group operations manager ng Megaforce, hindi bababa sa P100,000 ang ipaaabot nilang pinansyal na tulong sa pamilya ni Bandiala. Hindi pa umano kasama rito ang matatanggap mula sa insurance. 

Kinilala ng ahensya si Bandiala bilang "hardworking" at "dedicated" na empleyado.

Simula nitong Lunes hanggang sa Martes ng susunod na linggo ay magdaraos ng Novena Mass sa Ateneo para sa mga biktima ng nangyaring pamamaril nitong Linggo, ika-24 ng Hulyo, bago magsimula ang graduation ng Ateneo Law School

Bukod kay Bandiala, namatay rin sa kamay ng suspek na si Chao Tiao Yumol, ang dating alkalde ng Lamitan City, Basilan na si Rose Furigay at ang kaniyang long-time aide na si Victor Capistrano. Sugatan naman ang anak ni Furigay na si Hannah, na isa sa mga dapat na ga-graduate. – Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.