PatrolPH

Grupo ng Pinoy sa Malaysia, tumutulong sa kapwa OFW na hirap ngayong pandemya

ABS-CBN News

Posted at Jul 20 2021 04:14 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Isang grupo ng mga Pilipino sa Kuala Lumpur sa Malaysia ang nagbibigay-tulong sa mga kababayang nangangailangan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

"Nagtayo kami ng sariling grupo na pwede silang humingi ng tulong hanggang sa abot ng aming makakaya," pahayag ni Maria Emily Paguio.

Sa panayam sa TeleRadyo Martes ng umaga, sinabi ni Paguio na apat lamang silang magkakaibigan noong nag-umpisa ang kanilang grupong tinatawag na Modern KKK (Kumapit Ka Kabayan) hanggang sa lumago na ito.

Nitong mga nakaraang araw ay nakatanggap aniya sila ng cash na kanilang ipinambibili naman ng mga pagkain tulad ng bigas.

Kuwento ni Paguio sa panayam, maraming mga Pilipino ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.

"Maraming Pilipino ang walang trabaho dahil sarado ang mga negosyo dahil sa pandemya. Sa bahay lang sila. Some of them are undocumented so takot din silang lumabas," sabi niya.

May tatlong taon nang English tutor si Paguio mula nang lumipat sa Kuala Lumpur may 8 taon na ang nakalilipas. Dati rin aniya siyang nagtatrabaho sa restaurant.

Tulad niya dati, marami ring Pilipino ang nagtatrabaho sa mga restaurants bilang waiters, mga barista.

Tinutugunan ng grupo ang mga pangangailangan ng mga Pilipinong hirap at walang trabaho sa naturang bansa dahil na rin sa pandemya.
 
"Normally po bigas. Three days ago nakatanggap ako ng message na 5 Pilipina, medyo malayo-layo po sila sa akin pero nagawan ko pa rin ng paraan. Nanghihingi sila na kahit bigas na lang daw po maisalba lang ang gutom nila. Nakapagpadala naman ako kahapon sa kanila," sabi niya.

Bukas-sara din ang ilang negosyo depende sa dami ng kaso ng COVID-19 sa lugar.

Sa ngayon aniya ay mataas ang kaso ng COVID-19 sa Malaysia.

"Noong nakaraan, umabot kami ng 13,000. Actually, per day po yung count nila. Kahapon po, ang new cases is 10,972, bumaba ng kaunti," dagdag niya.

Bagamat hindi nila kailangang magsuot ng face shield, hindi naman pwedeng lumabas nang walang suot na face mask at marami rin ang nakalatag na road blocks sa mga kalsada.

Nagbibigay-tulong naman sa mga apektadong Pilipino ang embahada ng Pilipinas pero marami pa rin ang nagbabakasali na matatapos ang COVID-19.

"Ayaw pa rin umuwi dahil wala rin namang trabahong naghihintay sa kanila dyan sa Pinas," sabi niya.

- TeleRadyo 20 Hulyo 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.