'Paano pamilya nila?': Bagong hanapbuhay, palaisipan para sa mga nawalan ng trabaho dahil sa kinitil na ABS-CBN franchise

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 02:09 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA — Hindi pa tiyak ang mga miyembro ng ABS-CBN regional offices kung paano nila itataguyod ang kanilang mga pamilya sa gitna ng coronavirus pandemic matapos silang matanggal sa trabaho dahil sa pagkitil ng Kongreso sa prangkisa ng istasyon, ibinahagi ng isang reporter, Biyernes. 

"Hanggang ngayon masakit pa rin sa amin, sa mga kasamahan ko... Sinasabi nila, in the middle of their sleep, nagigising sila, umiiyak because of this," ani ABS-CBN Bacolod reporter Martian Muyco. 

"Ngayon pa nga lang sobrang hirap na... paano na lang 'pag tuluyan nang mawala? Paano sila? Paano iyong kabuhayan nila, paano iyong pamilya nila," dagdag niya sa panayam ng TeleRadyo. 

Ieere sa huling pagkakataon ang mga news program ng ABS-CBN Bacolod sa Agosto 28. Magsasara naman sa Agosto 31 ang mga regional office ng kumpanya. 
 
Ngayong taon sana tatanggapin ni Muyco ang kaniyang 5-year service award sa kumpanya. Dahil sa retrenchment, hindi pa niya alam kung paano bubuhayin ang nag-iisang anak na magdidiwang ng ikalawang birthday sa Oktubre. 

Kakatapos lang aniya ng medicine degree ng kaniyang misis, subalit gusto nitong itigil ang kaniyang post graduate internship at sa halip ay tumulong na lang sa kaniyang maghanap ng pagkakakitaan. 

"Sinasabihan ko siya na, 'Ako bahala,' kahit hindi ko pa alam kung ano'ng mangyayari, kahit na hindi ko pa alam saan ako pupunta, saan ako magtatrabaho... Gusto ko lang mapatuloy rin niya iyong pangarap niya," ani Muyco. 

"Ipapasa-Diyos. Gusto kong i-trust na lang sa Lord lahat ng ito. I will trust in Him na lang talaga," dagdag niya. 

Nitong nakaraang Biyernes, pinatay ng House franchise committee ang license renewal ng ABS-CBN sa botong 70-11. Karamihan sa mga bumoto para sa tuluyong pagsasara ng free television at radio services ng kumpanya ay mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte, na makailang beses ng nagbantang ipasasara ang network. 

Nanindigan ang Palasyo na "neutral" ng Pangulo sa isyu, kahit pa muli niyang pinulaan ang ABS-CBN nito lang Martes. 

Tiniyak naman ng ABS-CBN na "ginagawa namin ang lahat para maibsan ang sakit na mararamdaman ng mga maapektuhan [sa pagbabawas ng empleyado], kabilang ang pagbibigay sa kanila ng separation pay na naaayon sa batas at retirement benefits, at mga programang tutulong sa paghahanap nila ng bagong trabaho." 

"Mahirap na pakawalan ang aming mga Kapamilya sa panahong walang kasiguruhan at puno ng pangamba dahil sa COVID-19, ngunit ito ay isang desisyong kailangan naming gawin. Bagama’t masakit, ito lamang ang paraan upang matiyak pa ang trabaho ng ibang mga Kapamilya," sabi ng istasyon sa isang pahayag, Miyerkoles. 

"Ipinagdarasal namin ang mga mawawalan ng hanapbuhay at ang kanilang mga pamilya. Sana’y pagkalooban kayo ng lakas ng loob sa pagharap sa mga darating na pagsubok. Lubos kaming nagpapasalamat sa lahat ng inyong ginawa para sa ABS-CBN. Maraming salamat po, Kapamilya."