PatrolPH

Mga taga-Malabon, inirereklamo ang 3 linggong baha sa kanilang lugar

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2022 11:25 AM | Updated as of Jul 01 2022 04:28 PM

Watch more News on iWantTFC

MANILA -- Inirereklamo na ng mga residente ng Malabon ang mahigit tatlong linggo nang baha sa kanilang lugar.

Nitong Biyernes ng umaga, hanggang gutter lang ang baha, pero ayon sa mga taga-Don Basilio Bautista sa Barangay Hulong Duhat, tumataas pa ang baha pagkalipas ng ilang oras. 

Ang pagbaha ay bunsod ng patuloy na kinukumpuning dalawang flood gates ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa bahagi ng Dampalit at Tanza na sinasabayan pa ng araw-araw na high tide.

Nakararaos ang mga residente, pero unti-unti na silang nangangamba lalo na't nitong mga nakaraang araw ay nakararanas na ng pag-ulan sa ilang bahagi ng Metro Manila. 

Ayon pa sa mga drayber ng traysikel at jeep, hindi na sila nakakapamasada dahil sa taas ng tubig tuwing tanghali.

Sabi ng mga opisyal ng MMDA, malaking hamon ang pagre-repair dahil sa ilalim ng tubig ito ginagawa. Ibig sabihin, kapag umuulan o high tide ay hindi nakasisiid pababa ang kanilang nagkukumpuni--dahilan para maantala ang proyekto. 

Pinapayuhan ng lokal na pamahalaan ang mga apektadong residente na lumapit sa kanila sakaling magkaroon ng sugat sa paa para mabigyan ng gamot kontra leptospirosis. 

--TeleRadyo, 1 July 2022

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.