Mga estudyante, libre nang makakasakay sa MRT, LRT-2, PNR tuwing rush hour

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2019 08:08 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nagsimula na ngayong Lunes ang libreng sakay para sa mga estudyante sa MRT-3, LRT-2, at PNR sa mga piling oras. 

Inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) nitong Huwebes na epektibo na simula Hulyo 1 ang "Student Free Ride Program," kung saan wala nang babayaran ang mga estudyanteng sasakay sa 3 nabanggit na railway systems mula Lunes hanggang Biyernes, maliban sa holidays. 

Narito ang mga oras kung kailan libre ang pasahe:

MRT-3 
• 5 a.m. - 6:30 a.m.
• 3 p.m. - 4:30 p.m. 

LRT-2
• 4:30 a.m. - 6 a.m.
• 3 p.m. - 4:30 p.m. 

PNR
• 5 a.m. - 6 a.m. 
• 3 p.m. - 4 p.m. 

Pasok sa programa ang mga mag-aaral mula preschool hanggang kolehiyo (undergraduate lamang), gayundin ang mga nasa trade, arts, technical, at vocational schools.

Simula sa Lunes ay kailangan lamang ipakita ng estudyante ang kaniyang valid school ID para maka-avail ng libreng pamasahe. 

Pero sa mga susunod na araw ay paplantsahin ng DOTR ang mas mabusising aplikasyon sa programa, na maaari umanong gawin online o sa Malasakit Help Desk sa mga istasyon ng tren.

Umagang Kay Ganda, Hunyo 1, 2019