PatrolPH

Evacuation sa loob ng 6-km radius ng Bulkang Mayon sisimulan na

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2023 06:37 AM

Watch more on iWantTFC

Sisimulan ngayong Biyernes ang paglikas ng mga residente sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone ng Bulkang Mayon.

Ayon kay Eugene Escobar, head ng research division ng Albay Public Safety and Management Office (APSEMO), ano mang oras sisimulan ang preemptive evacuation ng mga pamilya sa mga syudad at munisipyo sa paligid ng bulkan.

Nasa 10,000 hangang 14,000 individuals o nasa mahigit 4,000 pamilya ang kailangang ilikas.

Tanging ang Legazpi City lang ang wala nang mga residente na nasa loob ng 6 kilometer permanent danger zone.

Simula Huwebes ay inihanda na ang mga evacuation center para sa paglikas ngayong araw.

Ayon sa APSEMO, nasa dalawa hanggang tatlong araw lang sasapat ang pondo ng mga LGU lalo na sa pagpapakain sa mga evacuee. Matapos nito, ang provincial government na ang sasalo kung saan aabot sa 10 hanggang 14 araw ang kayang maibigay sa mga evacuee.

Sakaling lumampas na dito hihingi na ang provincial government ng tulong mula sa national government.

Nakadepende sa mga lokal na pamahalaan kung magkakansela ng klase ngayong Biyernes, pero ayon sa APSEMO, paniguradong walang pasok sa mga paaralan na gagamiting evacuation centers.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.