Halos 145,000 panibagong guro kailangan sa bansa: grupo
ABS-CBN News
Posted at Mar 29 2023 12:24 AM
MAYNILA - Halos 145,000 na mga panibagong guro ang kinakailangan sa Pilipinas, ayon sa isang grupo.
Saad ni Vladimer Quetua, chairperson ng Alliance of Concerned Teachers, dapat matugunan ang "teacher shortage" sa Pilipinas para mapaganda ang sistema ng edukasyon ng bansa.
Aniya, posible ang panukalang mag-hire ng 30,000 na guro kada taon sa Pilipinas. Kasama na aniya dito ang pag-construct ng 50,000 na classrooms sa bansa.
Napakaliit umano ng nilalaan ng gobyerno sa kabuuan na pondo ng Department of Education, na kamakailan ay umamin na kulang nga sa guro at silid-aralan ang bansa.
Giit ni Quetua, ang kanilang panawagan na mag-hire pa ng mga guro ang DepEd ay may batayan at bukas sila sa pakikipagdiyalogo sa naturang ahensiya.
Aniya, hindi naging matagumpay ang blended learning na itinulak ng dating administrasyon.
Ayon naman kay Dr. Maria Mercedes Arzadon, faculty member ng UP College of Education, realistic ang panukala na mag-hire ng 30,000 guro kada taon dahil noong panahon ng Duterte administration ay 25,000 kada taon ang naha-hire na mga guro.
Giit ni Arzadon, overworked na ang mga guro, at para ma-address ang quality ng edukasyon sa Pilipinas ay dapat dagdagan pa ang mga guro sa bansa.
Tumataas umano ang demand ng teachers at maraming mga guro ang umaalis ng bansa, kaya dapat bigyan ng incentives ang mga guro na naha-hire.
Ayon naman kay DepEd spokesperson Michael Poa, "perennial problem" na ang kakulangan ng guro at silid-aralan. Kada taon umano dumarami ang enrollees.
Nakatutulong sa mga estudyante aniya ang blended learning, at tinitingnan ng DepEd ang resources na online at offline, at ibang option na hindi lamang tradisyonal.
Ani Poa, halos 10,000 na new teachers ngayong taon ang plano munang i-hire ng DepEd, at titingnan pa ng ahensiya ang ibang option tulad ng teknolohiya.
Kung anuman ang pagkukulang umano ng DepEd ay magiging transparent ang ahensiya. - SRO, TeleRadyo, Marso 28, 2023
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TeleRadyo, Tagalog news, SRO