Ilang naghahanapbuhay, kabilang sa halos 150 nahuling lumabag sa curfew sa Makati
Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News
Posted at Mar 16 2021 06:58 AM
MAYNILA - Nasa 150 ang nahuli ng mga tanod at pulis sa labas ng kanilang bahay sa Makati sa unang gabi ng unified curfew sa Metro Manila nitong Lunes.
Hindi pa kasama rito ang mga menor de edad na dinala rin sa presinto matapos madatnan sa kalsada.
Ilan sa mga nahuling curfew violator ay mga informal worker na dumipensang nagtrabaho sila kahit alam nilang mas maaga na ang curfew.
Kabilang diyan ang isang 18-anyos na lalaking si Menandro na nahuling namamasada ng tricycle sa Barangay Tejeros kasama ng backrider.
Aniya, kailangan niyang kumita ng pera para sa kanilang bahay.
“Kailangan po talaga ng pera. ‘Yong ginagawa naming bahay kasi paaalisin na kami sa bakanteng lote. ‘Di po ako pwede sa araw kasi delikado, maraming nanghuhuli,” sabi niya.
Nahuli rin ang isang babaeng masahista na walang maipakitang ID na patunay na nagtatrabaho siya.
May naabutan ding bumibili ng pagkain sa tapat ng bahay.
“Alam ko (na may curfew) pero Diyos ko, minute lang po talaga. Pagtawid lang talaga. Sabi ko ‘di ako pwede dahil bedridden ang mother ko,'" depensa niya.
Nanatili ang mga hinuli sa presinto hanggang matapos ang curfew hours ng 5 am.
Hinintay naman dumating ang magulang ng mga dinampot na menor de edad bago pakawalan sila.
Nahaharap sila sa multa ng P1,000 para sa unang paglabag.
Ayon kay Makati City chief of police Col. Harold Depositar, batay sa unang gabi, marami ring sumunod sa mas pinaagang curfew.
“Medyo marami lang nag-relax. Nasa kalsada sila kahit alam nilang may curfew,” dagdag niya.
Wala naman silang nahuling establisyimento gaya ng bar na nagbukas pagkatapos ng curfew.
Noong Martes, nakapagtala ng 846 aktibong kaso ng COVID-19 ang Makati, dagdag na 24 mula sa Lunes.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
unified curfew, curfew, Metro Manila, Makati City, Olympia, curfew violators, TeleRadyo, Tagalog news