'Pangingisda ng mga Pilipino sa West Philippine Sea, limitado lang'
ABS-CBN News
Posted at Jan 17 2023 02:06 PM | Updated as of Jan 18 2023 05:39 PM
MAYNILA (UPDATE)– Limitado lang ang pagkilos ng mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough Shoal sa West Philippine Sea, reklamo ng isa sa kanila ngayong Martes.
“Ang pinapapasok lang nilang bangka doon, yung mga maliliit. Pero yung mga mother boat, na sa panahon kagaya ngayon na malakas ang amihan, malakas ang hangin---lalaki ang aalon, napaka-vulnerable pa rin nito doon sa mga mother boat na hindi makapagtago doon sa loob ng mismo ng shoal,” ani Bobby Roldan, isang mangingisda mula sa Masinloc, Zambales.
Inihayag niya ito isang araw matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi na umano pipigilan ng China ang mga Pilipinong maghanapbuhay sa West Philippine Sea.
Ang mother boat ay ang mga malalaking bangka kung saan isinasakay ng mga mangingisda ang mas maliliit nilang bangka at ang kanilang huli.
“Halimbawa, sumama po kami sa mother boat, yung mga maliliit na bangka, para isasakay para papunta doon, pagdating doon saka mangingisda, yung mga maliliit na bangka lang ang pwedeng makalapit,” ayon kay Roldan.
“Hindi ka makalapit doon hanggang mga 2 milya,” aniya.
Hiling ni Roldan at ng mga kapwa niya mangingisda ang kalayaang makapaghanapbuhay na muli sa mga katubigan ng Pilipinas.
“Malaking kawalan sa mga mangingisda yung pagkaano doon sa Sacrborough dahil ito yung talagang malalaking pinagkukunan natin ng mga iba’t ibang isda na, magagandang isda,” aniya.
Sa isang public briefing nitong Miyerkoles, sabi ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) spokesperson Nazario Briguera nakikipag-ugnayan ang ahensya sa task force on West Philippine Sea para "ma-establish iyong presence natin doon."
"Ang usapin ng West Philippine Sea ay, unang-una, mayroon po iyang West Philippine Sea Task Force ano po – hindi lamang po ito BFAR, interagency po ito," ani Briguera.
Video from PTV
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, regional news, regions