Zambo vet seeks help for 'hero' dog's surgery

Posted at Feb 21 2012 11:02 PM | Updated as of Feb 22 2012 11:57 AM

Instant celebrity ang asong si “Kabang” nang dumating sa city veterinarian's office.

Marami ang humanga sa aso matapos maipalabas sa telebisyon ang kanyang kuwento.

Iniligtas ni Kabang ang dalawang bata sa humaharurot na motorsiklo na ikinasira ng kanyang mukha.

Dahil dito hinirang si Kabang bilang hero dog.

"Despite askal siya, she has the tendency to show love for owner,” sabi ni Racquel Galdo.

Kaya naman marami ang nagpakuha ng litrato kay Kabang.

"Ipapakita ko ang mga pictures niya sa mga apo ko sa Facebook at Internet para makilala nila si Kabang," sabi ni Lourdes Guzman.

Sa city vet, nilinis ang sugat ni Kabang sa mukha nito at nilagyan ng antibiotic para maiwasan ang impeksyon.

Kinabitan din siya ng collar para hindi makamot ang mukha.

Napag-alam naman sa check-up na buntis si Kabang.

Binigyan ito ng mga bitamina dahil medyo hirap sa pagkain dahil sa nasirang mukha.

"Masaya na ako at natulungan nila si Kabang, ‘yun lang naman kasi ang hinihingi ko, ang magamot siya" sabi ni Rudy Bunggal.

Ayon sa mga beterinaryo, maiging sumailalim sa reconstructive surgery si Kabang para maibalik sa normal ang buhay ng aso.

‘Yun nga lang, walang kakayanan ang lokal na pamahalaan para dito.

“We would like to request private organizations, maybe they have the necessary expertise and capability to perform the reconstructive surgery for Kabang," sabi ni Dr. Arnedo Agbayani, hepe ng animal health division.

Matapos gamutin, inuwi na si Kabang sa kanyang amo para makapagpahinga. Jewel Reyes, Patrol ng Pilipino sa Zamboanga