Wife of ailing Paquito Diaz seeks aid

Posted at Feb 15 2011 10:36 PM | Updated as of Feb 16 2011 11:45 AM

Sa isang Intensive Care Unit ng ospital sa Legaspi City nakaratay ang beteranong aktor na si Paquito Diaz.

Nakiusap ang asawa niyang si Nena na huwag nang kunan ng kamera si Paquito dahil sa nakakaawang kalagayan nito.

Noong Miyerkules ay napag-alamang may pneumonia at infection dulot ng sepsis si Paquito.

Muling bumagsak ang kalusugan ng 73-anyos na actor.

"Pagdating nga sa ospital, sabi ng doctor 'buti dinala n'yo, kasi kung 'di namin dinala baka next day or a few days after patay na siya. Kasi malala na iyong pneumonia niya," ani Nena.

Marami nang pinagdaanang pagsubok ang mag-asawa mula nang ma-stroke si Paquito noong 2004.

Naubos ang kanilang naipundar sa show biz dahil sa gastos sa ospital.

Hindi naman natitinag si Nena na dinadaan sa tawa ang masamang biro ng buhay.

"Sabi ko sa kanya, 'Papa, matagal pa buhay mo kasi masamang damo ka eh.' Tatawa siya nang tatawa," ani Nena.

Dinadamdam ni Nena ang tila pagkalimot ng ilang taga-industriya sa isa sa pinakabigating kontrabida ng pelikulang Pilipino.

Kumakatok pa rin siya sa sinumang nagmamalasakit.

"He is still very much alive. Hindi naman siya patay gaya ng binabali-balita ng mga tao... Kung may gustong magtulong na financial, kasi mahirap magkasakit ngayon, kasi wala na siyang pelikula, we will appreciate it," ani Nena.

Umaasa ang kanyang pamilya na hindi sila tatalikuran ng industriyang matagal na pinagbuhusan ng panahon at pagmamahal ni Paquito. Marie Lozano, Patrol ng Pilipino