Kris-James marriage 'null and void'

Posted at Feb 03 2012 08:54 PM | Updated as of Feb 04 2012 04:54 AM

Ito na ang desisyon na nagpapatunay na wala nang bisa ang kasal nina Kris Aquino at James Yap.

Dineklarang "null and void" ang kasal nina Kris at James noong July 10, 2005 sa desisyon ni Judge Kristina Sulit ng Makati Regional Trial Court kahapon.

Malaking batayan ang "lack of authority ng solemnizing officer"—ibig sabihin, walang kapangyarihan ang nagkasal sa kanila.

Ipinaliwanag ng mismong mga abugado ni James Yap ang desisyon ng korte.

Ayon kay Atty. Sonya Castillo, “First of all kasi, Kris and James are not members of the Holy Sacrament International Church, and at the time of the supposed marriage, revoked na kasi ‘yung license, SEC papers ng Holy Sacrament.”

Mismong solemnizing officer ang umamin na hindi legal ang kasal.

Binasbasan din ng korte na maaari nang gamitin muli ni Kris ang kanyang apelyido.

Ang kustodiya kay Baby James ay mapupunta sa ina, pero may visitation rights si James.

Hindi naman puwedeng isiwalat ang hatian ng ari-arian nina Kris at James na napagkasunduan noong February 2011.   

Walang pre-nuptial agreement ang dalawa, at matapos ang isa’t kalahating taon na proseso ng annulment, simple lang daw ang reaksyon ni James.

“’Ah, okay. So ibig sabihin single na ako?’ That’s how he reacted. Na-excite lang siguro siya sa idea na finally he can move on. We didn’t discuss kasi thoroughly kung ano na ang gagawin niya,” pagbabahagi ni Castillo.

Sa eksklusibong panayam naman ni Boy Abunda, inilahad ni Kris ang saloobin sa annulment.

Aniya, “Puwede ko lang sabihin na ang annulment is not a cause for joy because the truth is it was a marriage that failed, but it’s a cause for optimism.”

Ang kabuuan ng panayam kay Kris ay mapapanood sa “The Buzz” sa Linggo.