Mga mag-aaral na Pinoy, pinakamahina sa 79 bansa sa pag-intindi ng binabasa: PISA

Rose Carmelle Lacuata, ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2019 01:48 AM

MAYNILA - Pinakamababa sa 79 bansa ang nakuhang marka ng mga Filipinong mag-aaral sa reading comprehension o pag-intindi sa binabasa, base sa resulta ng isang assessment na isinagawa ng Organisation for Economic Cooperation and Development (OECD).

Nasa 600,000 mag-aaral na may edad 15 mula sa 79 na bansa ang sumailalim sa pagsusulit ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018.

Sa resulta ng PISA 2018, nakakuha ng 340 puntos ang mga mag-aaral mula sa Pilipinas. Mas mababa ito sa average na 487 puntos.

Karamihan sa mga mag-aaral na nasa edad 15 sa Pilipinas ay nasa Grade 9.

Ayon rin sa resulta ng PISA 2018, 1 sa 4 na mag-aaral ang nahihirapan sa iba't ibang aspeto ng pagbabasa, katulad ng pagkuha sa pangunahing ideya ng binabasa, maging ang pagdudgtong sa mga impormasyong kanilang nakukuha mula sa kanilang binabasa.

Gayundin, 1 sa 10 mag-aaral lamang ang may kakayahang malaman kung alin ang katotohanan (fact) at opinyon kapag nagbabasa tungkol sa mga paksang hindi pamilyar sa kanila.

Lumalabas rin sa resulta ng PISA 2018 na karamihan sa mga mag-aaral ang mas may kakayahang makahanap ng impormasyon (locating information) kaysa maintindihan ito. Kabilang ang mga bansang Pilipinas, Brunei Darussalam, Ireland, Malaysia, Malta at the Netherlands sa may ganitong resulta sa pagsusulit.

Sa larangan naman ng math, nakakuha ng 353 puntos ang Pilipinas, habang nakakuha naman ito ng 357 puntos sa science. 

Nasa 489 puntos ang average na marka sa math at science.

Kapwa ikalawa sa pinakamababa ang marka ng Pilipinas sa math at science.

Tanging ang mga mag-aaral mula sa Dominican Republic ang nakakuha ng mas mababang marka kaysa sa Pilipinas.

Mahigit 60 porsyento rin ng mga mag-aaral mula sa Pilipinas ang naniniwalang hindi nila kayang mabago ang kanilang talino (intelligence is something about them that they can't change very much).

Nakakuha ng pinakamataas na marka ang mga mag-aaral mula Beijing, Shanghai, Jiangsu at Zheijang sa Tsina. Nakakuha sila ng 555 puntos sa reading, 591 puntos sa math at 590 sa science.

Pumangalawa naman ang mga mag-aaral mula Singapore na nakakuha ng 549 puntos sa reading, 569 puntos sa math at 551 puntos sa science.

Ito ang unang pagkakataon na lumahok ang Pilipinas sa PISA survey.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.