Hindi totoong sinabi ng Department of Energy (DOE) na epektibo ang mga energy-saving device para pababain ang konsumo sa kuryente, taliwas sa mga kumakalat na video ng ilang online seller account sa Facebook.
Sa mga video, maririnig ang spliced o pinagputol-putol na mga ulat ni ABS-CBN Reporter Alvin Elchico para sa TV Patrol noong 2015 at 2019 upang palabasin na epektibo umano ang mga naturang energy saving device, ayon daw mismo sa DOE. Pinalitan din ang teksto sa orihinal na report ni Elchico ng mapanlinlang na teksto na nag-eendorso ng mga energy saving device.
Ang totoo, kung panonoorin ang mga orihinal na TV Patrol report kung saan kinuha ang mga pinutol na video clip, mismong DOE at Meralco na ang nagbabala sa publiko na hindi epektibo ang mga nasabing energy saving device.
Pinaliwanag ng DOE, current o daloy ng kuryente ang pinabababa ng mga energy saving device at hindi wattage o ‘yung sukat ng konsumo sa kuryente.
Sinabi naman ng Meralco na nakakapagpataas pa ng konsumo sa kuryente ang mga energy saving device, sa halip na magpababa dahil gumagamit din ng kuryente ang mga kagamitang ito. Wattage at oras ng paggamit lang din daw ang paraan para bumaba ang konsumo sa kuryente.
Nitong Hulyo 27, naglabas na rin ang DOE ng pahayag na pinapabulaanan ang pag-eendorso umano ng ahensya ng energy saving device.
Pagkukumpara ng pinekeng video at ng mga orihinal na ulat sa TV Patrol
Sa simula ng isang mapanlinlang na video na ipinost ng mga nagbebenta ng nasabing energy saving device, maririnig ang ganitong salaysay:
“Epektibo! ‘Yan ang natuklasan ng Department of Energy nang i-testing ang mga energy saving device. Lumalabas na totoong nakatitipid sa konsumo ng kuryente ang paggamit ng mga gadget na ito. Nagpa-Patrol, Alvin Elchico.”
Nilapatan din ng ganitong teksto ang pinekeng video: “DOE: EPEKTIBO ANG MGA POWER SAVING DEVICE.”
Pero kung panonoorin ang orihinal na ulat ni Elchico sa TV Patrol noon pang 2015, ito ang tunay na sinabi niya (ang mga naka-bold na salita ang tinanggal sa pinekeng video):
“ Hindi epektibo! ‘Yan ang natuklasan ng Department of Energy nang i-testing ang mga energy saving device. Lumalabas na hindi totoong nakatitipid sa konsumo ng kuryente ang paggamit ng mga gadget na ito. Nagpa-Patrol, Alvin Elchico.”
Panoorin dito ang orihinal na TV Patrol report noong Agosto 11, 2015 na may pamagat na “Mga 'energy saving device', hindi totoong nakakatipid”:
Makikita rin na ang tunay na nakalagay na teksto sa orihinal na TV Patrol report ay “DOE: HINDI TOTOONG NAKATITIPID SA KONSUMO SA KURYENTE ANG PAGGAMIT NG MGA “ENERGY SAVING DEVICE.”
Isinama rin sa pinekeng video ang bahagi ng panayam ni Elchico kay noo’y DOE Secretary Zenaida Monsada para palabasing ang ahensya ang nagsabi na epektibo ang mga energy saving device.
Maririnig sa pekeng video ang voiceover o salaysay na ito ni Elchico:
“Tinesting ng mga eksperto sa Department of Energy ang mga popular na energy saving device ang resulta.”
Matapos nito ay ikinabit ang sinabi na ito ni Monsada sa panayam:
“Kung mas malaking numero ibig sabihin, efficient. ‘Pag mas efficient, mababa ang operating cost so mas magiging matipid.”
Pero kung panonoorin ang orihinal na ulat sa TV Patrol, makikitang hindi energy saving device ang tinutukoy ni Monsada sa pahayag niyang ito, kundi ang energy-efficiency rating na nakapaskil sa mga appliance. Makikita ang buong bahaging ito sa timestamp na 0:48 hanggang 1:06 sa orihinal ng TV Patrol report.
Sa huling parte ng pinekeng video, pinagputol-putol rin ang salaysay ni Elchico para palabasing ini-endorso ng Meralco ang nasabing mga energy saving device. Sa pinekeng video, maririnig ito:
“Noong isang buwan, inalerto rin ng Meralco ang mga consumer. Dahil batay sa kanilang testing, bumili ng energy saving device kung saan tugma o mahigit pa ang savings kumapara sa kine-claim ng manufacturer.”
Pero kung panonoorin ang orihinal na ulat, ito ang buong sinabi ni Elchico:
“Noong isang buwan, inalerto rin ng Meralco ang mga consumer dahil batay sa kanilang testing, walang silbi ang mga energy saving device. Pero ang tanong, bakit naibebenta pa rin ito sa mga mall kung walang silbi? Sagot ng DTI, kailangan pa kasing idaan sa Philippine National Standard o PNS 2080 testing ang mga gadgets kung saan dapat tugma o mahigit pa ang savings kumapara sa kine-claim ng manufacturer…”
Idinugtong din sa pinekeng salaysay ni Elchico ang bahagi ng isa pa niyang ulat noong Hulyo 2019 na tungkol naman sa pagsusuri ng Meralco sa mga energy saving device. Maririnig ito sa pinekeng video:
"At lahat ng mga ito, kaya pababain ang konsumo sa kuryente.”
Pero kung panonoorin ang orihinal na TV Patrol report ni Elchico noong 2019, ito ang buo niyang sinabi:
“ Dahil mismo ang Meralco, bumili ng iba’t ibang gadget-- plug type, card at sticker. At ang lahat ng mga ito hindi kaya pababain ang konsumo sa kuryente.”
Panoorin dito ang orihinal na ulat sa TV Patrol noong Hulyo 9, 2019 na may pamagat na: “Meralco nagbabala kontra energy-saving devices”:
Lumabas din ang dalawa pang bersyon ng nasabing pinekeng video sa magkaibang Facebook posts.
-With research by Mildred Mira, ABS-CBN Investigative & Research Group
ABS-CBN News is a part of the Philippine Fact-Checker Incubator Project (PFCI) and #FactsFirstPH. PFCI supports news organizations in building capacity to meet international fact-checking standards. #FactsFirstPH is a collaborative effort of media and civil society organizations to fact check dubious and false claims, and to promote credible sources of information in the 2022 elections and beyond.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.