Walang basehan ang muling kumakalat na paratang ng isang Facebook post na nakipagsabwatan umano si dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa Malaysia para hadlangan ang balak ng dating Pangulo at diktador na si Ferdinand Marcos Sr. na bawiin ang Sabah noong 1960s.
Noong 2019 pa ang post na ito ng Facebook page na “Bongbong Marcos-Sara Duterte 2022,” subalit kumalat na naman ito noong mga nagdaang linggo at ngayon ay mayroon nang mahigit 276,000 shares, 99,000 na reactions, at 13,000 na komento.
Bagaman totoong sinubukang bawiin ni Marcos Sr. ang Sabah mula sa Malaysia noong 1960s, walang opisyal na dokumento o record na makakapagpatunay na nabigo siya dahil nakipagsabwatan umano si Aquino sa Malaysia.
Sa panayam ng ABS-CBN Fact Check Team kay history assistant professor Francisco Jayme Guiang ng Unibersidad ng Pilipinas, sinabi niyang si Marcos ang ikalawang Pangulo na nagtangkang ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa Sabah.
“He secretly organized an elite military force from Sulu, transporting them to Corregidor for training. The elite team was called Jabidah and the secret operation was named Operation Merdeka,” ayon kay Guiang.
Batay sa website ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, hindi nagtagumpay ang operasyong ito nang kwestyunin ng mga recruit na Moro ang hindi pagtupad ng ipinangako sa kanilang tulong pinansyal at nang malaman nila na ang ginagawang pagsasanay ay hindi para maging parte sila ng Philippine Army, kundi para manakop at makipagdigma sa kapwa nila mga Muslim sa Sabah.
Bago pa man nila maipahayag kay Marcos ang kanilang hinaing, pinagpapatay sila ng kanilang mga training officers sa Corregidor Island noong 1968, isang trahedya na tinawag na “Jabidah Massacre” o “Corregidor Massacre.”
Nalaman ito ni Aquino sa pamamagitan ng pahayag ni Jibin Arula, ang nag-iisang nakaligtas sa Jabidah Massacre. Inihayag ng dating senador ang nangyari sa kaniyang privilege speech noong taon ding iyon.
Ayon din sa website ng BARMM, ang Jabidah Massacre ang naging dahilan upang magsampa ng impeachment complaint si dating Lanao del Sur Congressman Haroun Lucman laban kay Marcos ngunit nagkulang ito ng suporta sa Kongreso kaya ito ay naibasura.
Itinuturing rin itong mitsa ng Muslim insurgency sa Mindanao at dahilan ng pagbuo ng mga rebeldeng grupo sa rehiyon, batay sa librong “Islam And Peacebuilding In The Asia-Pacific.”
Paliwanag pa ni Guiang, nabuo ang Muslim Independence Movement (MIM) noong 1968 sa pangunguna ni dating Cotabato Governor Datu Udtog Matalam dahil sa Jabidah Massacre.
Isa pang nabuong Moro separatist movement dahil sa trahedyang ito ay ang Moro National Liberation Front na pinamunuan naman ni Nur Misuari, at sa kalaunan, ang Moro Islamic Liberation Front na sya ngayong namumuno sa BARMM.
Ang walang basehang paratang kay Aquino sa Facebook post ng Bongbong Marcos-Sara Duterte 2022 page ay may pagkakahawig sa isang pahayag ni dating Department of Foreign Affairs National Territory Division Head na si Hermes Dorado noong 2013.
Sa isang forum sa University of the Philippines, sinabi ni Dorado na ipinangako raw ni Aquino ang Sabah sa Malaysia kapalit ng suporta nito na patalsikin si Marcos noong 1983.
Subalit mismong si Dorado ay aminadong walang opisyal na record tungkol sa pagkikita diumano ni Aquino at dating Malaysian Prime Minister Mohammad Mahathir. Ito raw ay base sa narinig niya na umano’y “indirect confirmation” mula kay dating ambassador at retiradong heneral na si Rafael Ileto.
“General Ileto indirectly confirmed that Ninoy Aquino asked for help from Mahathir in exchange for dropping the Sabah claim when he gains power,” ani Dorado.
— With research from Ciara Annatu, ABS-CBN Investigative & Research Group
ABS-CBN News is part of the Philippine Fact-Checker Incubator Project (PFCI) and #FactsFirstPH. PFCI supports news organizations in building capacity to meet international fact-checking standards. #FactsFirstPH is a collaborative effort of media and civil society organizations to fact check dubious and false claims, and to promote credible sources of information in the 2022 elections and beyond.