Pagtatapos ng UAAP Season 82, ipapalabas ng ABS-CBN Sports | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Sports

Pagtatapos ng UAAP Season 82, ipapalabas ng ABS-CBN Sports

Pagtatapos ng UAAP Season 82, ipapalabas ng ABS-CBN Sports

ABS-CBN News

 | 

Updated Jul 21, 2020 06:24 PM PHT

Clipboard

MANILA, Philippines -- Isang espesyal na seremonya ang gaganapin sa Sabado, para pormal na isara ang UAAP Season 82 matapos itong makansela dahil sa pandemya ng COVID-19.

Bibigyang pugay ang lahat ng manlalaro ng UAAP Season 82, maging ang mga atletang hindi nakalaro dahil sa pagkansela ng kanilang mga kompetisyon.

Mapapanood online ang programa, kasama ang mga host na sina Mico Halili at Denice Dinsay ng ABS-CBN Sports mula 4 p.m. sa ABS-CBN Sports website (sports.abs-cbn.com), Facebook, at YouTube accounts. Ipapalabas din ito sa LIGA cable sports channel ng 7 p.m.

Sa pagkakaisa ng komunidad ng UAAP, muling babalikan ang aksyon, samahan, at naging tagumpay ng mga eskwelahan ng primerong liga sa kolehiyo sa bansa.

ADVERTISEMENT

Kikilalanin din ang mga atleta ng volleyball, football, baseball, softball, track and field, lawn tennis, at 3x3 basketball na hindi nakapaglaro dahil sa pagkansela ng mga laro noong Abril 7 bunsod ng pandemya.

Tatanghalin ang University of Santo Tomas bilang general champions ng high school at senior divisions. Bibigyan din ng parangal ang mga MVP ng high school at kolehiyo para sa Season 82, kabilang na rin ang ilan sa mga mahuhusay na atletang iskolar ng iba't ibang paaralan.

Wala munang kikilalanin bilang Athlete of the Year ngayong season na ito.

Makakasama sa selebrasyon ang ABS-CBN artists na sina Ylona Garcia at Inigo Pascual at ang mga bandang Sponge Cola at Itchyworms, na kumanta ng "Ang Ating Tagumpay" anthem ng UAAP Season 82 na may temang "All For More."

Kikilalanin din at pasasalamatan ang mga atleta at paaralan na nagbigay ng tulong sa mga nangangailangan ngayong panahon ng krisis at muling mapapanood ang highlights ng nagdaang taon.

Pormal ding ibibigay ng Ateneo de Manila University ang responsibilidad bilang host sa karibal na paaralan na De La Salle University para sa Season 83.

Ang ABS-CBN Sports ang nagsilbing opisyal na brodkaster ng UAAP simula pa noong 2000. Sa kanilang matagal na samahan, nabigyan ng pagkakataon ang mga atletang Pinoy na ipamalas ang kanilang husay at talento at mas lalong lumaganap sa bansa ang pagsasamahan sa industriya ng sports.

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website).

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.