HONG KONG - Napuno ng saya at kulay ang Chater Road Central sa Hong Kong sa muling pagdaraos ng Balik Saya program.
Marami ang nasabik dito dahil tatlong taon itong hindi naisagawa dahil sa pandemya. Pagkakataon din ito para muling maibida ang kulturang Pinoy.
“Kung wala po silang ginagawang importante sa labas pwede po silang gumawa ng grupo para makasali sa mga events na ganito. Para maipakita nila ang mga magagandang tradition sa lugar po, ma showcase ang talent nila po,” sabi ng OFW na si Jeany Escano Nisa.
Napapanahon din ang paradang mala Flores de Mayo na nagpapaalala sa magandang tradisyon sa Pilipinas.
“Kailangan po na maging strong...para po pag-uwi natin sa Pilipinas we are healthy and we are good enough na makita ang mga anak natin, mga pamilya natin. Na we are healthy and good here in Hong Kong na wala po tayong sakit na iniinda and here we have to love ourselves, also hindi po tayo maging stress sa lahat ng nangyayari dito sa ating mundo,” ani Juanita Warrey, isa ring OFW.
Kahit umulan, tuloy ang kasiyahan na dinaluhan din ni OWWA Administrator Arnell Ignacio. May mga sumali sa line dance para ipakita ang pagkakaisa at mapawi ang lungkot ng ating mga kababayan.
Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.