FACT CHECK: Walang ‘Bagyong Dindo’ na tatama sa bansa ngayong weekend | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

FACT CHECK: Walang ‘Bagyong Dindo’ na tatama sa bansa ngayong weekend

FACT CHECK: Walang ‘Bagyong Dindo’ na tatama sa bansa ngayong weekend

ABS-CBN Investigative and Research Group

 | 

Updated Jul 29, 2024 04:49 PM PHT

Clipboard

Taliwas sa isang social media post, hindi pa nabubuo bilang ‘Bagyong Dindo’ ngayong Sabado, Hulyo 27, ang low pressure area (LPA) na namataan silangan ng Mindanao.

Ayon sa caption ng Facebook page na “Philippine Weather Alerts,” ang diumano’y "Bagyong Dindo ay inaasahang darating sa weekend at inaasahang mas malakas sa naunang Bagyong Carina.” Dagdag pa ng post, “ang mga eksperto ay nagbabala na maaring magdulot ito ng malalakas na pag-ulan, pagbaha, at landslide sa ilang bahagi ng bansa.”

Ang link na kasama sa post ay nagdidirekta sa isang online shopping platform.

Ayon sa inilabas na weather forecast report ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services o PAGASA, namataan ang LPA alas-3 ng hapon ngayong araw, Hulyo 27, sa layong 770 kilometro silangan ng Butuan City, Agusan del Norte.

ADVERTISEMENT

Pinasinungalinan din ni ABS-CBN resident meteorologist Ariel Rojas ang kumakalat na maling impormasyon tungkol sa diumano’y "Bagyong Dindo." Paliwanag ni Rojas, ipinapakita ng mga weather models na ang namataang LPA, na tatawaging Dindo kung sakaling maging ganap na bagyo, ay may tsansang maging tropical depression or storm lamang at hindi super typhoon.

Sa weather report ni Rojas noong Hulyo 26, 2024 sa TV Patrol, sinabi niya na wala pang epekto sa bansa ang namataang LPA at mananatili itong malayo sa lupa habang kumikilos pahilagang-kanluran ng bansa.

Samantala, batay sa reverse image search, ang satellite image na kalakip ng post ay ang Super Typhoon Betty, international name na Mawar, na tumama sa Pilipinas noong Mayo 2023.

Binago na ng Facebook page na “Philippine Weather Alerts” ang nasabing post noong alas-8 ng umaga Hulyo 27. 

Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.com o Twitter account @abscbnfactcheck.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.