Eskwelahan nadamay sa sunog sa Paco, Maynila | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

News

Eskwelahan nadamay sa sunog sa Paco, Maynila

Eskwelahan nadamay sa sunog sa Paco, Maynila

Job Manahan,

ABS-CBN News

Clipboard

Videos of Paco Catholic School courtesy: Yhel Montalbo

      

MAYNILA — Isang hilera ng mga tindahan sa bahagi ng Pedro Gil Street sa Paco, Maynila ang nasunog nitong Sabado ng gabi.

Sa sobrang laki ng sunog, nadamay ang likurang bahagi ng Paco Catholic School na nasa likod lamang ng mga tindahan.

Kasalukuyang may programa para sa high school students ang eskwelahan nang mangyari ang sunog bandang alas-8 ng gabi. 

Umabot sa ikalimang alarma ang sunog na tuluyang naapula 1:26 ng madaling araw ngayong Linggo.

ADVERTISEMENT

Isang fire volunteer ang nasugatan, base sa report ng BFP-Manila.

Makikita sa mga larawan at video ang paglamon ng apoy sa mga tindahan na puno ng appliances, mga damit, tsinelas, at mga gamit sa bahay.

MGA KLASE, APEKTADO

Sa isa pang video, makikita ang pagpasok ng apoy sa isang gusali ng eskwelahan.

Sabi ni Nell Dan Blas, officer-in-charge ng eskwelahan, ang ika-4 hanggang ika-6 palapag ng eskwelahan ang pinakaapektado ng sunog, kasama na rito ang mga laboratory at cooking rooms. 

Ayon naman sa BFP-Manila, apektado hanggang ika-10 palapag ng eskwelahan dahil sa sunog. 

“In a span of 5 to 10 minutes, nakadikit na agad sa building namin ang sunog, binuksan namin ang fire hose namin,” sabi ni Blas. 

“Nag-announce ang school na mag-o-online class na and then kailangan din nila mag-announce ng further announcement, ang mga bata, physically walang pasok kasi yun din ang nire-require ng Bureau of Fire (Protection),” dagdag niya. 

MASIKIP ANG DAAN

Sabi ni FSSupt. Leo Andiso, deputy district fire marshal ng BFP-Manila, nahirapan sila na maapula agad ang apoy dahil masikip ang daan at madaling masunog ang nasa mga tindahan.  

“Puro light materials ang mga nasunog at the same time may mga LPG pa na sumasabog doon kaya nahirapan ang BFP natin na pasukin agad,” sabi ni FSSupt Andiso. 

“Kung mapapansin niyo yung apoy, sobrang laki ng apoy. Inabot ang school, ayaw naman namin na lalong lumaki pa ang apoy kaya itinaas na agad natin ang alarma para mayroon tayong sapat na tubig para maapula,” dagdag niya. 

Iilang gamit lang ang naisalba ng tinderang si Jomalia Acol at ikinagulat niya ang nangyari.

“Nakatakbo naman na kami agad. Ito lang ang naisalba namin. Yung sa taas kasi kuwarto yun,” ani Acol. 

Nanginginig naman sa takot at nanlulumo si Carol Lacerna sa sinapit ng kanyang mga pinapaupahang puwesto. Galing pa umano siyang birthday party nang malaman na may nangyayaring sunog.

Walang naisalbang gamit ang kanyang pamilya. 

Sabi ng BFP-Manila, umabot sa 1.6 million pesos ang halaga ng napinsala sa sunog.

Patuloy na iniimbestigahan ang sanhi ng sunog pero ayon kay FSSupt Andiso nagsimula ito sa pinakagilid na tindahan.

Ang mga hilera ng tindahan ay malapit lang sa Paco Market, pero hindi ito nadamay.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.