SUV na may plakang ‘7’, tumakas nang sitahin sa pagdaan sa EDSA busway | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

News

SUV na may plakang ‘7’, tumakas nang sitahin sa pagdaan sa EDSA busway

SUV na may plakang ‘7’, tumakas nang sitahin sa pagdaan sa EDSA busway

JOB MANAHAN ,

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 11, 2024 01:27 PM PHT

Clipboard

MAYNILA (UPDATED) — Tumakas ang isang sasakyang may protocol plate na “7” nang sitahin ito dahil dumaan sa EDSA busway sa kahabaan ng EDSA-Mandaluyong nitong Huwebes ng umaga.

Pinara ng mga operatiba ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ang itim na SUV na nakasunod pa sa ilang sasakyan ng pulisya na natiketan din.

Pero nang ibigay ng driver ng SUV ang kanyang lisensya sa SAICT, bigla na rin siyang nagmaneho paalis.


Ang protocol plate na "7" ay naka-assign at para lamang sa sasakyan ng mga senador.




Ayon sa Department Order 2015-013 ng dating Department of Transportation and Communications na pinalitan ng Department of Transportation, sakop pa rin ng mga batas trapiko at mga ordinansa ang mga sasakyan na may protocol plate.


Noong Linggo lamang ay pinaalalahanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kawani ng pamahalaan na pangunahan ang disiplina sa kalye.

ADVERTISEMENT


"Ang pag-aabuso at pagbabalewala sa batas trapiko ay hindi prebiliheyo na kasama sa sinumpaan naming mga lingkod-bayan,"  ani Marcos sa isang vlog.


SHOW-CAUSE ORDER, IHAHANDA



Noong Nobyembre 2023, nilimitahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang puwedeng dumaan sa bus lane.


Kasama na rito ang presidente, bise presidente, Senate president, House speaker, at chief justice ng Korte Suprema. May ibang protocol plate ang mga opisyal na ito.


Sabi ni Jonathan Gesmundo, executive assistant to the transportation secretary, mananagot ang driver ng naturang sasakyan.


Wala rin umanong magiging special treatment para sa kanya. 
 


“Naibigay na ‘yung lisensya at kukunin sana ‘yung [Official Receipt, Certificate of Registration)] pero tumakbo na at nagulat yung mga SAICT operatives,” sabi ni Gesmundo sa panayam sa ABS-CBN News. 
 


Paglabag umano sa traffic rules and regulations ang ginawa ng driver. Maghahain naman ang Land Transportation Office (LTO) ng show-cause order sa driver dahil sa insidente, dagdag ni Gesmundo. 
 


“Malalaman natin kung ano pa ang idadagdag sa disregarding traffic rules. Pagka-ganyan, tinakbuhan mo, mas malaki ang penalty na ipapataw sa’yo," aniya.


Sa Huwebes din daw mismo ilalabas ang show-cause order. 


Hindi naman  matukoy ni Gesmundo kung sino ang maaaring nakasakay na senador sa loob. 
 


“Lahat tinanong ko pero hindi nila ma-identify kung sinong senador ‘yung nasa — Basta ang pagkakasabi, may sakay. May pasahero ang driver,” aniya. 



ILANG PULIS, NASITA RIN


Samantala, natiketan ang ilang pribadong sasakyang may sticker ng Philippine National Police (PNP) nang dumaan sa EDSA busway nitong Huwebes ng umaga.

Una sa mga nahuli ng SAICT sa kanilang operasyon bandang alas-6 ng umaga ang PNP vehicle na may lulang pulis.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang driver na naka-PNP uniform.

Isa pang van na may PNP sticker ang pinara ng SAICT. Depensa ng driver, may hinahabol sila sa Camp Crame.

Nang tanungin kung alam niyang bawal dumaan doon, aniya: "Opo, sorry po."

Dagdag niya: "May emergency kami, sa Crame kami."

Pinalusot naman ng mga operatiba ang sasakyan ng PNP lulan ang mga miyembro ng Explosive Ordnance Disposal and Canine Group dahil may operasyon sila sa QCPD Station 2.

Aabot umano sa 7 sasakyan ang nasita ng SAICT.


'SUMUNOD NA LANG SA REGULASYON'


Sabi ni Gesmundo, hindi na dapat maging matigas ang ulo ang mga driver at sundin na lang ang regulasyon sa paggamit ng EDSA busway.

“Napakaraming sinasabing ‘paano kung ganito, paano kung ganyan.’ Eh ibabalik lang namin doon: Ano ba ang nakalagay sa batas? Katulad ng mga ambulansyang wala namang sakay,” sabi ng opisyal.

Nagpaalala siya na mga ambulansyang may pasyente, mga bumbero na papunta sa sunog, mga sasakyan ng pulis na may ongoing na operasyon, at mga personnel na kasama sa operasyon ng busway.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.