MAYNILA— Sa kulungan sasalubungin ng isang lalaki ang Bagong Taon matapos bugbugin at halayin ang kaniyang dating kasintahan sa Quezon City.
Ayon sa pulis, nagpanggap na buyer ng leche flan na tinitinda ng dating nobya ang lalaki na gumawa ng dummy account sa social media.
Nang sila ay magkita na para ibigay ang order, cellphone ng dating kasintahan ang kinuha agad ng suspek imbes na ang order na leche flan.
Hinikayat din niya ang ex-girlfriend na sumama muna sa kaniyang bahay para magka-usap sila. Nang mabasa ang mga text message sa cellphone ng biktima na may manliligaw ito, doon na umano ito sinaktan ng suspek.
Nakatakas lamang ang biktima at nakahingi ng tulong sa mga opisiyal ng Barangay Tatalon nang makatulog na ang suspect.
Nagtamo ang biktima ng mga pasa sa kamay at braso. Dagdag ng pulisya, desidido siyang magsampa ng kaukulangang mga kaso laban sa dating kasintahan.
Hindi nagpaunlak ng interview ang suspek na mahaharap sa kasong rape at physical abuse.
—Ulat ni Nico Bagsic, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.